Macoy Dubs ayaw patulan ang pang-ookray ni Banat By: Kung hindi siya natatawa, OK lang
EXCITED na ang kilalang TikToker na si Macoy Dubs bilang si Auntie Julie sa una niyang paglabas sa telebisyon.
Isa siya sa magiging host ng “Lunch Out Loud” sa TV5 produced ng Brightlight Productions at Cornerstone Studios.
Nang makatsikahan si Macoy via zoom conference ng ilang bloggers ay nabanggit niyang dapat sana ay sa ibang show siya isasama.
“I was casted po sa ‘Oh My Dad’, originally as Kelly, then na-realize po ng crew na ililipat ako sa noontime show, kasi pang-noontime show daw po ako.
“Gusto ko po, kasi feeling ko mas exciting and of course with my personality parang mas bagay saka ‘yung interest ko sa hosting, I grab the opportunity to work,” kuwento ni Macoy Dubs.
At dahil magho-host si Macoy sa “LOL” kaya inalam namin kung may experience siya sa hosting, “Nu’ng college po ako nag-start ng hosting tapos pagka-graduate ko ng 2013, nagho-hosting ako ng mga wedding at debut.”
Content creator siya sa Facebook na may 559k followers at sa TikTok with 360.5k followers.
Pinanood namin ang ilang TikTok videos ni Macoy Dubs bilang si Auntie Julie at okay naman para sa amin, pero yung ibang nakapanood na kasama namin ay walang reaksyon.
Dito namin naalala yung sinabi ng YouTuber na si Banat By na may nagtanong sa kanya kung natatawa siya kay Macoy Dubs at sinabi niyang hindi at corny daw ang pagpapatawa nito.
Ang sagot ni Macoy Dubs dito, “Actually, ayaw ko pong panoorin ‘yung video (kung saan sinabing corny siya) kasi to be modest po ang honest ganu’n naman po ‘yung mga banat (niya) kaya nga po banat by ang pangalan niya kasi po babanatan ka niya online.
“I don’t know him personally, we didn’t work with each other and I don’t have any bad remarks kay Banat By kasi hindi ko rin naman siya kilala, but kung hindi siya natatawa sa mga jokes ko, feeling ko he has the right to say that.
“May kanya-kanya naman tayong taste and preference sa comedy and humor. I respect his statement din, okay lang naman sa akin kasi kanya-kanyang preference rin,” reaksyon pa niya.
Tinanong din namin kung ni isa sa followers niya ay walang negatibong komento sa mga videos niya.
“Madami-dami rin naman akong nakikita na eversince na mas dumami ‘yung reach natin online and I realize rin naman na you cannot really please everybody.
“I also have other content creators na mga kaibigan kong tunay na nagsasabi na, ‘minsan corny ‘yung ganitong content or minsan trying hard ka dito.’ I take it very professionally, kaibigan ko sila so that’s the way to improve as content creator,” pagtatapat nito.
Aminado rin naman si Macoy na marami rin siyang kailangang i-improve at thankful siya na napasama siya sa “Lunch Out Loud” dahil kasama niya si K Brosas sa segment kaya makakaasa na maganda ang batuhan nila sa show.
Nagsimula nang mapanood ang “Lunch Out Loud” nitong Lunes, Okt. 19, 12 noon. Kasama rin nina Macoy Dubs at K sa show sina Billy Crawford, Wacky Kiray, Bayani Agbayani, KC Montero at Alex Gonzaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.