Ogie dumepensa para kay Liza: Ang alam ko, may money involved sa mga nagre-redtag sa alaga ko
HINIHIKAYAT ng mga tagasuporta ni Liza Soberano na kasuhan ang isang vlogger na nagsabing baka raw miyembro na siya ng rebeldeng grupo.
Ito’y matapos ngang magsalita ang Kapamilya actress sa isang webinar na in-organize ng mga kabataang miyembro ng women’s rights group na Gabriela. Isa ang dalaga sa mga naging guest speakers sa Gabriela Youth virtual seminar na pinamagatang “Tinig ni Nene: Reclaiming Our Voice on the International Day of the Girl Child.”
Dito, nagbigay ng mensahe si Liza sa mga kabataan kung paano babangon at maninindigan laban iba’t ibang uri ng pananamantala at pang-aabuso. Sa isang bahagi ng webinar ay napaiyak pa ang dalaga habang nagbibigay ng mensahe sa mga nanonood at nakikinig sa kanya dahil naiisip niya ang hirap at sakripisyo na pinagdaraanan ng mga batang biktima ng crime and violence.
Maraming humanga sa tapang at malasakit ng aktres sa mga kabataan pero may isang vlogger nga ang nambasag sa dalaga na kinilalang si Maui Becker.
“LIZA SOBERANO, MIYEMBRO NA NG NEW PEOPLE’S ARMY?” ang titulong nakalagay sa kanyang YouTube livestream nitong nagdaang Miyerkules. Binanatan ng vlogger ang pagsasalita ni Liza sa seminar ng Gabriela Youth, na aniya’y isang front group ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).
“Intindihin mo na lang ang trabaho mo. Pero sige, kalayaan mo ‘yan pero make sure lang na knowledgeable ka sa mga bagay-bagay,” sey ng vlogger sa video ayon na rin sa ulat ng Inquirer.net.
Hirit pa nito laban kay Liza, “Eh, ngayon mukhang wala kang alam na ‘yung Gabriela ay salot sa lipunan, miyembro ng mga terorista at komunista, rebelde, NPA, front ng NPA. At wala kang ka ide-ideya. E kung ganyan na wala kang kaalam alam Liza, e manahimik ka. At hands off our children, Liza, you stupid b****.”
May mga kumampi sa pinagsasabi ng vlogger pero mas marami pa rin ang nagtanggol kay Liza gamit pa ang hashtag na #DefendLizaSoberano.
Comment ng isang netizen, “This is low and uncalled for. Calling Gabriela, an organization that supports and protects women and children in vulnerable sectors, a leftist front and associating Liza Soberano with that though is red-tagging. This malicious behavior SHOULD be mass-reported to YouTube.”
“I-report natin ang mga ganitong content. Hindi lang dapat #DefendLizaSoberano kundi i-defend natin ang lahat ng mga gustong magsalita laban sa administrasiyon na siyang nila-label naman bilang mga ‘terorista’. #StopTheAttacks,” sabi naman ng isang Twitter user.
May nagsabi naman na ang ginawang pagbanat ng vlogger kay Liza ay kadema-demanda kay dapat ding turuan ng leksyon.
Samantala, to the rescue uli ang talent manager ni Liza na si Ogie Diaz na sunud-sunod ang tweet para ipagtanggol ang kanyang alaga. Walang binanggit na pangalan si Ogie sa kanyang mga post pero maliwanag na ang pinatatamaan niya ay ang nasabing vlogger.
“Si ateng bading, ubo nang ubo at tila makati ang lalamunan sa kanyang livestream. Pa-swab test ka na kaya.
“Bago mag-redtag, pa-check up mo muna yung ubo at kati ng lalamunan mo. Pa-swab test muna. Baka kung ano na yan, teh,” unang tweet ng talent manager-comedian.
Hirit pa niya “Si bakla, detalyado nyang naikwento ang galawan sa bundok ng NPA. Ang nakarating sa akin, galing na pala siya dun. Na-shock nga ako sa kwento sa akin, kalokah. #KayaPala.”
Tungkol naman sa tsismis na binayaran daw si Liza para magsalita sa Gabriela Youth webinar, ito ang resbak ng komedyante, “Me ‘money involved’ daw ba yung guesting ng alaga ko?
“Wala po. Ang alam ko, may ‘money involved’ sa mga nagre-redtag sa alaga ko. Monthly daw yan. #workfromhomesila.”
Nagpasalamat din si Ogie sa lahat ng mga nagtatanggol ngayon sa kanyang alaga, “Maraming salamat sa lahat ng pumupuri sa pagpoprotekta ni Liza Soberano sa mga kababaihan at kabataan.
“Ganon talaga ang may tunay na malasakit sa kapwa,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.