Lacson pinuna ang magkakasalungat na probisyon ng CREATE, Bulacan airport bills
Pinuna ni Senator Panfilo Lacson ang magkasalungat na mga probisyon ng Corporate Recovery and Tax Incentive for Enterprise (CREATE) bill at ang San Miguel Aerocity franchise bill na minamadali para sa pagpapatayo ng domestic at international airport sa Bulacan.
Sinabi ni Lacson na kung mauunang maaprubahan ang panukala para sa pagpapatayo ng Bulacan airport ay mawawalang-saysay ang mga tax exemptions sa San Miguel Aerocity “dahil sa probisyon sa CREATE bill na nagsasabing anumang batas na kontra sa mga regulasyon nito ay kinokonsiderang repealed o walang bisa.”
“What I am worried is kapag ang airport franchise bill is passed into law ahead of CREATE bill, we might be facing a constitutional issue,” mariing pahayag ni Lacson.
Inaprubahan sa ikalawang pagbasa ng Senado noong Lunes ang panukalang batas na magpapahintulot sa pagtatayo ng Manila International Airport.
Pero sa period of interpellation sa Senado para sa prangkisa ng SMC Aerocity, mariing kinuwestiyon ni Lacson ang banggaan ng mga probisyon sa dalawang mahalagang panukalang batas.
Sa ilalim ng CREATE bill, na nauna nang naisalang sa Senado, ay sasagasa ang tax incentive item na nakapaloob dito sa probisyon namang nakapaloob sa airport franchise bill na nagbibigay ng umano’y sobra-sobrang tax incentives sa kompanyang pag-aari ng negosyanteng si Ramon S. Ang.
Partikular na tinukoy ng mambabatas ang probisyon sa CREATE bill na mag-aalis sa ilang fiscal incentives para sa karagdagang income ng gobyerno bilang kapalit naman ng pagpapababa sa corporate income tax ng mga pribadong negosyante.
Nauna nang ipinasa ng Kamara at kinatigan na ng Senado sa ikalawang pagbasa ang probisyon sa airport franchise bill na magbibigay ng tinatayang aabot sa P118 bilyong biyaya sa SMC Aerocity sa pamamagitan ng iba’t-ibang tax privileges sa loob ng limampung-taon.
Nakapaloob sa 50-year frachise bill na sa unang sampung taon na itinatayo ang paliparan ay umaabot sa P38 bilyon ang maililibre sa iba’t ibang bayarin sa buwis ng kompanya at P2 bilyon naman kada taon ang karagdagang tax incentives sa loob ng natitira pang 40 taon na siyang buhay ng prangkisa.
Ang naturang probisyon para sa umano’y nakalululang paglibre sa mga bayarin sa buwis, na sinasabi ng mga kritiko na tanging ang SMC Aerocity lamang ang napagkalooban, ay nauna nang hinagupit ng Action for Economic Reform at iba pang mga advocacy group bilang labag sa panuntunan ng gobyerno at umano’y mapanira sa patas na pagnenegosyo sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.