#IkawNa: ‘Dynamite’ dance cover ni Ruru Madrid aprub sa BTS
PINUSUAN ng sikat na sikat na K-pop group na BTS ang dance cover ni Ruru Madrid ng kanilang Billboard Hot 100 hit na “Dynamite.”
Featured ang viral at trending video ng Kapuso hunk na mayroon nang mahigit 4 million views sa official TikTok account ng BTS.
Hindi naman makapaniwala si Ruru na muli siyang napansin ng grupo na kinabibilangan ng mga Korean superstars na sina Jin, Suga, J-Hope, RM, Jimin, V at Jungkook.
“Sa totoo lang nu’ng time na ‘yon biglang nag-message yung isa kong fan na na-notice ka na naman ng BTS pero this time sa TikTok, ganyan.
“Parang nu’ng time na ‘yun sabi ko, ano bang nangyayari? E, sobrang hooked na hooked na ako nu’ng na-notice na ako, e. So parang sabi ko, grabe na ang hirap tanggapin.
“Pero iniisip ko na lang na para sa Filipino ARMYs na kapag napapansin ‘yung kapwa natin Pinoy, sobrang nakakatuwa ‘yun kasi napapansin nila ‘yung country natin,” kuwento ng singer-actor-dancer sa panayam ng GMA.
Marami namang nag-congratulate sa binata dahil sa dinami-dami ng mga gumawa ng dance cover ng “Dynamite” ay isa siya sa mga napansin ng BTS.
Kung matatandaan, nag-post din si Ruru ng acoustic cover ng “Dynamite” sa kanyang Instagram na humamig na ng mahigit 47,000 views sa ngayon.
Nauna nang umani ng papuri ang aktor dahil sa ginawa niyang cover ng single ni Kim Tae-hyung o mas kilala bilang si V, ang “Sweet Night.”
Bukod pa rito, nag-trending din si Ruru dahil sa isa niyang post sa Instagram, kung saan maraming BTS fans ang nagsabing medyo kahawig na niya si V.
Aminado naman ang binata na naging inspirasyon niya si V sa kanyang latest fashion style.
Proud BTS fan din si Ruru dahil, “Ang galing nila mag-perform. Ang galing nila lahat kumanta, magsayaw. Du’n pa lang naging fan na ako.”
Samantala, patuloy pa ring napapanood si Ruru sa rerun ng “Encantadia” gabi-gabi sa GMA Telebabad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.