Facebook isinara ang 181 pekeng accounts sa China na sumusuporta kay Duterte, anak na si Sara
Isinara ng Facebook ang 181 pekeng accounts sa China na sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa potensyal na pagtakbo ng anak nito na si Sara Duterte-Carpio sa 2022 presidential election.
Sinabi ni Nathaniel Gleicher, head of security policy ng Facebook, na sinarhan ang mga accoutns dahil nilabag ng mga ito ang patakaran ng social media giant laban sa pakikialam ng isang dayuhang grupo o bansa sa internal na aktibidad ng ibang nasyon.
Ang mga isinara ay 155 na Facebook accounts, 11 Pages, 9 Groups at 6 na Instagram accounts, sinabi ni Gleicher sa isang online press conference nitong Martes ng gabi.
Natukoy ng Facebook ang base ng aktibidad sa probinsiya ng Fujian sa China.
“This activity originated in China and focused primarily on the Philippines and Southeast Asia more broadly, and also on the United States,” ayon kay Gleicher.
Sinabi ni Gleicher na maraming clusters ng magkakaugnay na aktibidad ang gumagamit ng mga pekeng account para sa kanilang kampanyang may kaugnayan din sa South China Sea na ang malaking bahagi ay inaangkin ng China.
Ang kanilang mga post ay nakasulat sa Chinese, Filipino o English at bahagi ng kanilang modus operandi ay ang pagpapanggap na sila ay mamamayan ng target na bansa.
Sa Southeast Asia kung saan naka-focus ang aktibidad ng network, nagpo-post sila ng mga balita na may kaugnayan sa interes ng Beijing sa South China Sea, Hong Kong, Pangulong Duterte at maging sa potensyal na pagtakbo ni Sara sa 2022 presidential election, ayon kay Gleicher.
“We found this network as part of our internal investigation into suspected coordinated inauthentic behavior in the region,” ani Gleicher.
“Although the people behind this activity attempted to conceal their identities and coordination, our investigation found links to individuals in the Fujian province of China,” dagdag pa niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.