Xander Ford umaming bisexual, pero isinuka ng ilang LGBTQ members
SA halip na paniwalaan at tanggapin ang bigla niyang pag-amin bilang isang bisexual, kinuyog pa ng netizens si Xander Ford.
Umani ng batikos mula sa ilang miyembro ng LGBTQIA+ ang retokadong internet sensation ang paglantad ni Xander bilang isang bisexual.
Inamin ni Xander o mas kilala noon bilang si Marlou Arizala, sa kanyang Instagram post ang tunay niyang sexual orientation.
“I am part of LGBTQ #BISEXUAL,” ang matapang na paglalantad ng social media star sa ipinost niyang mensahe IG Stories.
Bukod dito, may in-upload din siyang isang litrato sa Instagram na may nakasulat na, “Being one of them is not a crime, #bahaghari.”
Bago pa ang ginawa niyang pag-amin, nagparamdam na si Xander sa kanyang fans and followers tungkol sa gagawin niyang pag-come out.
Nitong nakaraang February, nagpahayag si Xander ng pagsuporta sa LGBTQIA+ community nang mag-post siya sa IG ng kanyang litrato na naka-make-up with matching wig.
Sabi niya sa caption, “Walang masama sa pagiging bakla. Ang masama ang mga utak ng tao na kahit dimo inaano madaming panlalait ang masasabi sayo.”
Duda naman ang mga netizens sa biglang pag-amin ni Xander bilang bisexual. Naniniwala sila na gimik lang ito ng binata para matakpan ang kontrobersyang kinasasangkutan niya ngayon.
Kamakailan lang ay inakusahan siya ng kanyang ex-girlfriend ng pangre-rape, pananakit at panloloko. Mariin naman itong pinabulaanan ni Xander, hinding-hindi raw niya ito magagawa sa taong minahal at nirerespeto niya.
Comment ng isang netizen, “Inakusahan ka lang ng rape ng ex GF mo, naging bi ka na?”
“Ay sorry, pero hindi ka welcome sa amin,” sey naman ng isa pa.
Komento ng isa pang netizen, tigilan na ni Xander ang pagpapakakontrobersyal dahil wala na raw naniniwala sa mga paandar niya. Isinusuka rin siya ng ilang members ng LGBTQ community.
May ilang nagtanggol naman kay Xander at sinabing intindihin na lang ito dahil mukhang magulo raw ang takbo ng utak nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.