Enzo pinag-initan ng bashers; tatay na kongresista bumoto kontra-ABS-CBN
HINDI rin nakaligtas sa matinding pamba-bash mula sa mga netizens ang Kapamilya hunk actor na si Enzo Pineda.Binatikos ng ilang supporters ng ABS-CBN ang binata dahil sa pagboto ng tatay nitong kongresista ng YES para sa tuluyang pagbasura ng franchise application ng ABS-CBN.
Isa ang ama ni Enzo na si 1-PACMAN Partylist Rep. Enrico Pineda sa 70 kongresistang kumontra sa pagpapatuloy ng operasyon ng network.
Dahil dito, ang aktor ang binalingan ng mga netizens at kung anu-anong maaanghang na salita ang ibinato sa kanya pati na rin kay Cong. Pineda.
Hindi man lang daw inisip ng kongresista ang kapakanan ng anak pati na ang mahigit 11,000 empleyado ng ABS-CBN na mawawalan ng trabaho lalo pa ngayong may pandemya.
Sana raw ay binigyang-halaga naman ni Pineda ang kabutihan ng network sa kanyang anak na sumalo sa career nito nang umalis sa GMA 7.
Komento ng isang netizen, “Ano masasabi mo na isa yung dad mo sa nag-Yes? Baka naman bumalik ka pa sa ABS-CBN in the future.”
Sabi naman ni @ckcute, “Why did your father deny ABS-CBN of its franchise? Wala naman na patunayang violations. Hindi man lang binigyan ng chance. Sana mamulat ang ama mo sa katotohanang pang gigipit ang ginawa nila sa ABSCBN. #IbalikAngABSCBN #KapamilyaForever.”
May nagtanggol naman kay Enzo laban sa mga bashers. Anila, iba naman ang paninindigan ng ama sa kanyang anak dahil ang mahalaga, lantaran ang ginawang pagtatanggol at pagkampi ni Enzo sa kanyang network.
Sa kanyang Instagram page, nag-post si Enzo ng mensahe para sa ABS-CBN matapos ilabas ang desisyon ng Congress.
Aniya, “I stand by ABS-CBN. Pagkakaisa…yan po ang kailangan natin ngayon panahon. Buksan po natin ang ating mga mata.
“Hinde po ito ang kalaban….ang kalaban ay hunger, poverty, at itong virus na sumisira sa buhay ng million milyong nating kababayan.
“Hinde po tayo mananalo sa laban na ito kung hinde tayo magkakaisa.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.