Jomari dedma sa problema ng mag-inang Andre at Aiko: Buti pa yung nanay may balls!
MAY pinagdaraanang matinding problemang personal ngayon ang mag-inang Aiko Melendez at Andre Yllana.
Nagsadya na sila sa CIDG para maghain ng kasong cybercrime laban sa isang taong nagbabantang wasakin ang pagkatao ng binata.
Tama ang naging desisyon ni Aiko na humingi na ng tulong sa mga otoridad, hindi niya kakayaning mag-isa ang problema, para sa ikatatahimik ng kalooban ng anak nila ni Jomari Yllana.
Nakalulungkot lang malaman na ni konting pagpaparamdam sa pinagdaraanan nilang mag-ina ay wala silang natatanggap mula kay Jomari.
Ilang araw nang lumabas ang balita, kumikilos na ngayon ang CIDG sa pagresolba ng problema, pero ni anumang suporta ay wala silang tinatanggap mula kay Jom.
Mabuti pa nga si Vice-Governor Jay Khonghun, ang boyfriend ngayon ng aktres, at nakasuporta sa bantang pinagdadaanan ni Andre. Walang dugong nag-uugnay sa kanila kahit isang patak lang pero nagmamalasakit ang pulitiko sa panganay ni Aiko.
Parang nakikinita namin ang senaryo ayon sa kuwento ni Aiko na nang dumating si VG Jay Khonghun ay niyakap ito nang mahigpit ni Andre at sinserong pinasalamatan.
Napakasakit nu’n para sa isang anak. Wala sa kanyang tabi ang kanyang tunay na ama para magparamdam ng suporta. Ibang tao pa kung tutuusin ang humaplos sa kanyang likod para sabihing huwag mag-alala ang binata dahil ginagawa na nila ni Aiko ang lahat-lahat.
* * *
Huwag namang sabihing hindi nababalitaan ni Jomari ang problemang pinagdaraanan ngayon ni Andre. Napakaraming paraan para makarating sa kanya ang impormasyon.
Sanay na sina Aiko at Andre sa kanyang mga pangakong napapako nu’ng maliit pa ang kanilang anak pero isang panahon ito na dapat ay nandu’n siya para damayan si Andre.
Pasok nang pasok sa pakikipagrelasyon ang aktor-pulitiko, kailan lang ay binulabog din siya ng dati niyang ka-live-in, dahil sa kawalan ng responsibilidad sa kanilang mga anak.
Maligaya siya ngayon na kasama si Abby Viduya pero nakalilimot naman siya sa pagiging ama sa mga produktong resulta ng pakikipagrelasyon niya.
Sabi ng kaibigan naming propesor, mabuti pa raw si Aiko at biniyayaan ng balls sa pakikipaglaban, samantalang si Jomari Yllana ay wala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.