#PaalamAgimat: Ramon Revilla, Sr. pumanaw na sa edad 93
PUMANAW na kaninang hapon ang veteran actor at dating senador na si Ramon Revilla, Sr.. Siya ay 93 years old.
Kinumpirma ni Sen. Bong Revilla sa kanyang Facebook post ang malungkot na balita at sinabing heart failure ang naging sanhi ng pagkamatay ng ama.
Sumakabilang-buhay si Mang Ramon, Jose Acuña Bautista sa tunay na buhay, sa bahay nito sa Bacoor, Cavite.
“After 93 full years, our father former Senator Ramon Revilla, Sr. succumbed to heart failure at 5:20 this afternoon. He is now free from physical pain and is in the loving arms of our Creator.
“Thank you very much for the love and prayers, as we ask for continuous prayers for the eternal repose of his soul,” buong mensahe ni Sen. Bong sa publiko.
Maituturing na isang movie icon si Mang Ramon dahil na rin sa mga naiambag niya bilang actor-producer sa industriya ng pelikula.
Nagsimula siya sa showbiz noong 1952 sa pamamagitan ng pelikulang “Ulila ng Bataan” ngunit nakilala siya nang husto sa 1972 blockbuster film na “Nardong Putik: Kilabot ng Cavite”.
Nakilala rin ang actor-politician bilang si “Agimat” dahil sa mga karakter na ginampanan niya sa mga pelikula kung saan lagi siyang may anting-anting.
Marami ring acting award si Mang Ramon kabilang na ang FAMAS Best Actor Award (noong 1973) para sa “Hulihin si Tiagong Akyat” habang taong 1979 nang parangalan siya bilang Most Outstanding Actor.
Sa mundo naman ng politika, nahalal bilang senador si Mang Ramon simmula 1992 hanggang 2004.
Isa siya sa mga kilalang celebrity na sinasabing may pinakamaraming anak — umabot sa 72 ang anak niya mula sa 16 na babae.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.