MABILIS na matutugunan ang kakulangan ng internet sa maraming lugar sa bansa at ang pangangailangan para sa mabilis na digital function sa panahon ng krisis, tulad ngayong pandemya, kung agarang mapupunuan ng mga telco ang kakulangan ng kanilang mga cell towers.
Ayon sa Citizen Watch Philippines, maraming contractor ng mga telco towers ang naiipit umano sa proseso ng construction at work permits
mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Partikular na tinukoy ang umano’y sobrang habang panahong paghihintay ng building permit sa mga lokal na pamahalaan bago pa makapag-umpisa ng pagpapatayo ng cell towers.
“We call on the government to prioritize the strengthening of the telecom and digital infrastructure in both urban and rural areas to expand the reach and access to cloud-based services for the entire population… and the first step is to demolish the bureaucratic barriers that have been causing construction delays of telco towers,” giit ng CWP.
Hiniling pa ng advocacy group sa gobyerno na rebisahin at gawing makatuwiran ang permitting and certification requirements sa lahat na telco projects at kailangan umanong maipatupad nang mahigpit ang iniutos sa DICT Circular No. 8 na pitong araw lamang tatagal ang pagproseso ng nasabing construction permits.
“Maging ang paghanap natin ng libangan sa iba’t ibang social media platforms at telebisyon at ang pag-alalay natin sa ating kalusugan gaya ng e-consult sa mga doktor ay nakasalalay sa maayos, malawak at mabilis na serbisyo ng mga telco na mangyayari lamang kung kanilang maipatatayo ang sapat na bilang ng mga tore o cell towers,” sabi pa ng grupo.
Sinabi ng isang telco tower contractor, na ayaw magpabanggit ng pangalan sa takot na mabalikan, na pinagpaikot-ikot ang kanilang mga papeles sa isang lungsod sa Metro Manila pero hanggang sa ngayon ay wala pa ring aksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.