Kuwestyunableng pag-aresto sa 2 Muslim kinondena ng solon
KINONDENA ni House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang kuwestyunable umanong pag-aresto sa dalawang Muslim na nagbebenta ng alahas at pagpasok sa kanilang bahay ng walang search warrant.
Ayon kay Hataman batay sa mga kumalat na video ay masasabi na idinaan sa shortcut ang pag-aresto ng mga tauhan ng Manila Police District kina Saadudin Alawiya at Abdullah Maute, San Andres, Manila noong Araw ng Kalayaan.
“Ang sabi, buy-bust operation dapat ito. Ang sabi, dapat sa Luneta nangyari, pero hindi nagpakita. Given na totoo itong claim ng pulis, may kapangyarihan na ba sila na puntahan ang mga Muslim na ito sa bahay at halughugin ang kagamitan at arestuhin sila kahit walang warrant?” tanong ni Hataman.
Nakuhanan ng video ng mga kamag-anak ng mga inaresto ang bahagi ng apat na oras na pangyayari at ipinost ito sa social media. Hindi umano nagpakita ng identification card at hindi rin nakipag-ugnayan sa barangay ang mga pulis na sumugod sa bahay ng mga inaresto.
“Mabilis itong kumalat sa social media, at pati sa aking tanggapan ay umabot ang mga reklamo ng mga kamag-anak at kapitbahay ng dalawang ito. Ayaw din natin sa droga, but there is an uproar about what happened, and it involved trampling on basic human rights,” ani Hataman.
Kung totoo na sangkot umano ang dalawa sa ipinagbabawal na gamot ay dapat magkaroon ng case build-up at sampahan ng reklamo ang mga ito at hindi basta na lamang aarestuhin.
“In condemning this incident, I am not passing judgment on the guilt or innocence of everyone involved, but I am expressing strong feelings against the way law enforcers handled the situation. Parang madaming shortcut ang ginawa. It would seem that they did not do their jobs well, and by failing on their responsibilities, they deprived people of their rights to due process. At yan ay nakakatakot,” saad ni Hataman.
Nanawagan si Hataman sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang pangyayari.
“Ito din ang pinapangambahan ko sa Anti-Terror Bill. Nasabi ko na baka mas kailangan natin palakasin ang ating enforcement operations kaysa bigyan ng masyadong malawak na kapangyarihan ang law enforcers na maari nilang maabuso. Kung simpleng drug operation, tila hindi kayang dumaan sa proseso at arestuhin ng tama ang mga pinaghihinalaan, pano na lang kaya sa ilalim ng Anti-Terror Bill na may warrantless arrest ng 24 araw?”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.