Carla sa #GuhitPantawid ni Tom: Hindi kayo nagbayad sa kanya, para yun sa street vendor, PUV driver
NILINAW ni Carla Abellana na walang bayad ang ginagawang drawing at sketch ni Tom Rodriguez para sa kanyang #GuhitPantawid COVID-19 fundraising project.
May mga nagkokomento kasi na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila natatanggap ang kanilang portrait na ipinangako ni Tom sa lahat ng mga magdo-donate sa kanilang fundraiser.
Ayon kay Carla, akala ng ilang nagbigay ng donasyon ay nagbayad sila kay Tom para gawin ang larawan nila. Paglilinaw ng Kapuso actress, diretso sa mga street vendors at PUV drivers ang ipinaabot nilang tulong.
Sa isang mahabang Instagram post, ibinahagi ni Carla ang dedikasyon ni Tom sa paggawa ng mga portrait ng mga donors, ito’y sa kabila ng pang-araw-araw na gawain sa bahay ng aktor.
Ipinost ng aktres sa IG ang litrato ni Tom habang tinatapos ang isang drawing kalakip ang paalala sa lahat ng mga naghihintay ng kanilang portrait. Narito ang mahabang caption ni Carla.
“Bilib ako dito. Mahigit isang buwan na niyang pinaghihirapan at pinagpupuyatan ang #GuhitPantawid.
“Nagagawa pa rin niyang gumising ng maaga kahit puyat siya dahil dito, maghugas ng mga pinggan, magpakain ng mga aso, mag walis, mag mop, mag sort ng basura at tapon ng basura, maglinis ng mga wiwi at poopoo ng mga aso, mag grocery run, atpb… kahit mahigit isang daang larawan ang kailangan niyang tapusin. Na walang bayad yan ha.
“Akala ng marami nagbayad sila kay Tom para gawin ang larawan nila. Hindi po. Ang panggastos po ng mga tsuper at street vendors ang binayaran niyo po. Hindi po ang larawan niyo na gawa ni Tom. Libre niya pong ginagawa ito para sa inyo.
“Alam niyo po bang minsan inaabot po siya ng tatlong araw para tapusin ang isang larawan lang? Opo. Dahil hindi po niya dinadaya ang mga larawan ninyo. Hindi po copy paste at basta-bastang tracing lang po.
“Iba’t ibang istilo pa po ng pag drawing ang ginagawa niya. May mala-anime, may ala-disney, may ala-watercolor, atbp. Ang galing. May kanya-kanya pa pong request yan kung paanong itsura ang gusto nila ha.
“Bawat isa pinapa-aprubahan niya pa sakin na hindi ko naman alam kung bakit eh wala naman akong alam diyan.
“Basta ang alam ko lang lahat maganda. Kaya pasensya na po kung medyo natatagalan. Hindi din po namin inakalang ang dami pong mag-dodonate kay medyo nabigla po siya. Pero maraming salamat po. Konting hintay na lang po at makukuha niyo narin po ang inyong #GuhitPantawid,” mensahe pa ng Kapuso actress.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.