NANAWAGAN si Senator Imee Marcos sa pamahalaan na bantayan ang presyo ng laptop, tablet, pocket wifi, cell phone, personal computer at iba pang electronic gadget ngayon na naghahanda na sa online learning ang mga paaralan sa pagbubukas nito sa darating na Agosto.
Batay sa direktiba ng Department of Education (DepEd), ang pagbubukas ng klase ay nakatakda sa Agosto 24, 2020 at magtatapos sa Abril 30, 2021. Ang enrollment ay magsisimula sa darationg na Lunes, Hunyo1, hanggang Hunyo 30.
Ayon kay Marcos, maraming mag-aaral ang posibleng maiwan o tuluyang hindi makapasok sa sinasabing virtual o online learning na siyang ipatutupad ngayon pasukan dahil na rin sa kakapusan ng budget para sa nasabing online learning.
“Kung sobra-sobra naman sa mahal ang mga gadget na yan, eh papaano pa makakayanang bumili ng mga magulang? Kailangang ibaba ang presyo ng mga mobile at electronic gadget na gagamtin ng mga mag-aaral sa darating na pasukan. Kailangang tulungan natin ang mga estudyante,” pahayag ni Marcos.
Nagbabala rin si Marcos sa mga tiwaling negosyante na huwag samantalahin ang mataas na demand ng mobile at electronic gadget tulad ng laptop, tablet, pocket wifi, cell phone, personal computer lalu na ngayon panahon ng COVID-19 dahil sa may kaukulang parusang nakatakda sa sobrang pagpapatong ng presyo sa kanilang paninda.
“Dapat bantayan ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng mga mobile at electronic gadget. At sana naman kung maaaring mapababa ang presyo dahil mga estudyante naman ang makikinabang nito ngayon pasukan,” dagdag pa ni Marcos.
Nanawagan din si Marcos sa mga negosyante na mag-alok ng mga pautang sa mga estudyanteng kapos sa kanilang budget at hikayating bumili ng mga second hand mobile at electronics gadgets.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.