‘Probinsyano’ ni Coco, ‘Soldier’s Heart’ ni Gerald balik-taping na; ipalalabas sa iWant?
TOTOO kaya ang nasagap naming balita na habang hindi pa bumabalik sa ere ang ABS-CBN ay sa iWant muna ipalalabas ang mga teleserye ng network?
Natigil ang taping ng mga programa ng ABS-CBN partikular na ang mga drama series simula nang magkaroon ng lockdown sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Nadagdagan pa ang problema ng production ng bawat teleserye nang ipatigil ang operasyon ng TV network dahil sa issue ng franchise renewal.
Mahigit dalawang buwan nang nakatengga ang lahat ng artista at manggagagawa ng Dos dahil sa health crisis kaya nangangamba na sila para sa kanilang kabuhayan, lalo na ang mga “no work, no pay” status.
Kamakailan, nabalitaan naming balik-taping na ang “FPJ’s Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin. May sinusunod daw na guidelines at health protocols ang produksyon para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Bukod dito, sa ikalawang linggo namam daw ng Hunyo ay gigiling na rin ang mga kamera para sa seryeng “A Soldier’s Heart” sa pangunguna ni Gerald Anderson kasama sina Nash Aguas, Yves Flores, Sue Ramirez, Elmo Magalona, Jerome Ponce, Vin Abrenica at Carlo Aquino.
Walang kaming idea kung babalik na rin sa pagte-taping ang iba pang entertainment shows ng ABS-CBN, tulad ng kanilang mga sitcom at documentary programs.
Curious lang kami kung paano isasagawa ang mga big scene sa Ang Probinsyano at A Soldier’s Heart gayung ipinagbabawal na ito base sa new normal production guidelines dulot pa rin ng COVID-19 pandemic.
Alam naman ng lahat ng manonood na puro malalaking eksena ang ginagawa ng dalawang serye, lalo na ang mga maaaksyong habulan, barilan at habulan na kailangan ang maraming tauhan o karakter.
Sa Ang Probinsyano pa lang, talagang sa bawat episode ay may mga action scenes na nangangailangan ng crowd control, kaya kung totoo na balik-taping na ang serye, isang matinding challenge ang kinakaharap nila ngayon.
At higit sa lahat, kailangang lock-in din ang lahat ng mga artistang kasali sa serye base na rin sa bagong set of guidelines para sa new normal ng taping at shooting.
Kaya siguradong dagdag gastos din ito sa parte ng produksyon. Sa ngayon, inaalam pa namin sa mga taong involved sa produksyon kung paano nila isasagawa ang mga big scenes nang hindi lumalabag sa health protocols.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.