'Napakalaking pera ang nawala kay Alden Richards dahil sa ECQ' | Bandera

‘Napakalaking pera ang nawala kay Alden Richards dahil sa ECQ’

Cristy Fermin - May 04, 2020 - 09:28 AM

ALDEN RICHARDS

MAHIGIT na isang buwan ding nagsara ang franchise ng McDonald’s ni Alden Richards sa Biñan Highway. Napakalaking pera ang nawala sa kanya dahil sa enhanced community quarantine.

    Kailangan niyang sumunod sa anunsiyo ng DOH at ng ating pamahalaan, kailangang sarado ang mga establisimyento, dapat ding nasa bahay rin ang publiko.

    Napakalaking problema ng ECQ sa mga negosyante, wala na nga silang kinikita ay kailangan pa rin nilang maglabas ng pondo, dahil sa kanilang mga tauhan na nawalan ng pagkakakitaan.

    Ganu’n mismo ang nangyari kay Alden sa pagsasara ng kanyang food chain at ng sinosyohan niyang Concha’s na dalawang bigwas ang inabot.

    Una ay nu’ng pumutok ang bulkang Taal, sarado ang sangay nila sa Tagaytay, natabunan ng alikabok ang restaurant. Ikalawa itong ECQ na kailangan din nilang magsarado dahil wala namang lalabas para kumain.

    Pero nu’ng nakaraang linggo ay nakahinga na nang maluwag ang mga negosyante, kasali na rin si Alden, dahil pinayagan na silang magbukas pero puro take-out lang muna bilang pagsunod sa social distancing.

    Hindi bale na, ang mahalaga ay gumugulong ang kanilang negosyo, may trabaho na uli ang kanilang mga staff, gumagalaw na ang kanilang puhunan kahit paano, maganda na ‘yun.

    Walang nag-aakalang aabot sa ganitong sitwasyon ang ating buhay at ekonomiya. Walang naghangad ng ganitong indulto, pero wala na tayong pamimilian, dahil buong mundo ang binubulabog ng salot na COVID-19.

    Masunuring tao si Alden, nakalulungkot at nakapanghihinayang man ang pagkakataong makabawi siya sa puhunan ay ayos lang, dahil ang kaligtasan naman ng publiko ang nakataya sa usapin.

    Siya ang naatasan ng kanyang pamilya para lumabas at magpunta sa grocery para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.

    Dobleng pag-iingat ang kanyang ginagawa dahil kasama niya sa bahay ang kanyang lolo at lola. Nasa garahe pa lang siya ay may sumasalubong na sa kanya.

    Sa likod siya dumadaan papunta sa kanyang kuwarto, maliligo na siya agad, bago siya humarap sa mga kasama niya sa bahay.

    Naiimadyin na namin kung ano ang nangyayari sa grocery na pinupuntahan ng Pambansang Bae. Siguradong pinagkakaguluhan pa rin siya du’n, ano bang social distancing ang kailangang pairalin, paminsan-minsan lang naman nilang nakikita ang sikat na aktor.

    Nagkaroon siya nang sapat na pahinga at tulog ngayong panahon ng ECQ, limang taon na siyang puro trabaho lang, pero hinahanap siyempre ng kanyang sistema ang pagtatrabaho.

    Anumang nakasanayan na ay hinahanap talaga ng ating katawan, sa loob nang limang taon na by appointment lang ang kanyang pahinga ay parang niyakap na rin ‘yun ng kanyang sistema, kaya nakapaninibago ang napakahabang pahinga niya ngayon.

* * *

Markado na sa kalendaryo ng mga taga-NCR at mga kalapit na probinsiya ang pagdating ng May 15. ‘Yun ang itinakdang panahon ng ating pamahalaan bilang pagtatapos ng lockdown.

    Harinawa, huwag na sanang magkaroon pa ng ekstensiyon ang ECQ, sana nga ay makakilos na tayo uli nang normal pagkatapos nang dalawang buwang pagkakulong sa bartolina ng lockdown.

    Pero meron pa ring mga alituntuning kailangan nating sundin kapag nakapailalim na tayo sa GCQ. Magsusuot pa rin ng face mask, hindi pa rin papayagan ang pag-uumpukan, dahil hindi pa naman ihinahayag na ligtas na ang Pilipinas sa COVID-19.

    Okey na rin ‘yun, kesa naman sa nasa bahay lang tayo na walang pumapasok sa ating kaban, malaking ginhawa na rin sa mga pamilyang Pilipino kung luluwagan na tayo.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

    Sana nga!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending