INULIT ng Metropolitan Manila Development Authority na hindi exempted ang mga healthcare workers na frontliners sa laban kontra Covid-19 sa “no motorcycle back-riding” policy na ipinaiiral sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon sa MMDA, sumusunod lamang sila sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
“We are very sorry but there are no exemptions based on the guidelines of IATF and the Department of the Interior and Local Government, ‘no angkas’policy tayo,” ani MMDA spokesperson Celine Pialago.
Ginawa ni Pialago ang komento makaraang ikuwento sa Facebook ng isang rider kung paano siya hinuli ng MMDA traffic enforcer habang inihahatid ang hipag, isang medical worker, sa ospital.
Ayon kay Michael Villanueva, pinababa ang hipag niya ng motor bago kinumpiska ang kanyang lisensya at inisyuhan ng tiket ng enforcer.
Kinalaunan ay pinayagan din ng enforcer ang frontliner na sumakay ng motor dahil wala ring masakyan ang huli.
“Ang ending, pinasakay din sa ‘kin with violation ticket and 5,000 na tubusin,” ani Villanueva.
“This should be given immediate attention lalo na po sa mga city mayor. Mabigyan niyo po sana sila ng exemptions or maayos na service na may sapat na oras,” dagdag niya sa kanyang post.
Klinaro ni Pialago na tama ang ginawang paghuli ng traffic enforcer pero mali na pinasakay niya uli ang frontliner sa motor.
“‘Yung traffic constable, dapat nakipag-coordinate sa aming mobile base para nakapagpadala ng mobile para ibaba ang frontliner sa pinakamalapit na waiting area at i-coordinate doon sa mga shuttle services at libreng sakay,” aniya.
“Hindi niya dapat pinabayaan at hindi pinasakay uli. Sa bagay na ‘yun, mali ang aming traffic constable,” dagdag ng opisyal.
Ani Pialago, iniimbestigahan na ang pangyayari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.