Ethel: Tao lang ako…inaayos ko lang ang pagkakamaling ginawa ko
AYAW pa ring tantanan ng mga bashers at haters si Ethel Booba matapos tawaging peke ang Twitter account na nakapangalan sa kanya.
Patuloy nilang inaakusahan ang komedyana na walang paninindigan, manggagamit, sinungaling at kung anu-ano pang masasakit na salita nang dahil sa nasabing fake social media account.
Isang netizen ang nagsabi kay Ethel na dapat din niyang ibigay sa tunay na may-ari ng “@IamEthylGabison” account ang kinita ng kanyang librong “#Charotism”.
Ito ang librong ginawa ni Ethel kung saan mababasa ang mga trending tweets at punchlines mula sa fake Ethel Booba Twitter account.
Agad na bumuwelta ang dating TV host at stand-up comedienne sa basher at sinabing siya pa raw ang mag-aabot ng talent fee na natanggap niya mula sa libro sa kanyang poser.
“Pakilala mo sa akin dali. Hindi ako maramot baka kilala mo. Ako mismo ang mag-aabot sa kanya,” sabi ni Ethel.
Sinagot din ng komedyana ang lahat ng nagsasabing ginamit lang niya ang parody account para sa sarili niyang interes. Niloko rin daw niya ang publiko dahil pumayag siyang paniwalain ang madlang pipol na siya ang may-ari ng account.
Depensa ni Ethel, “Tao lang ako at nagkakamali. Inaayos ko lang ang pagkakamaling ginawa ko.
“Kung may na-disappoint, sorry sa kanila. Pero at least nagsasabi ako ng totoo. ‘Di ko kailangan ng kasikatan kung pagkatao ko naman ang niyuyurakan. O, ‘di ba? I’m free. Happy na ‘teh.”
Samantala, matapos mag-deactivate ibinalik na ng tunay na may-ari ng “@IamEthylGabison” ang nasabing account pero may handle name na itong “@IamCharotism.”
Sa bio ng account nakalagay ang statement na, “Started as parody account until Ethel claimed it as hers on National TV.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.