MAY nagawa ka bang kahit isang mabuting bagay ngayong Kuwaresma?
Kung wala pa, bakit hindi mo gayahin ang mga pulis ng Minglanilla, Cebu na nag-ambag ng pera para ipambili ng groceries ang 20 mahihirap na pamilya sa mga barangay ng Calajoan, Tulay, Tungkop, at Tunghaan?
Ayon kay MSgt. Christopher Cesa ng Minglanilla Police Station, kasama sa kanilang regalo sa Biyernes Santo ang limang kilo ng bigas at mga delata. Binigyan din nila ng P100 cash ang bawat pamilya.
Sinabi ni Cesa na ang kanilang station commander na si Maj. William Homoc ang nagmungkahi na tulungan ang mga pamilyang naghihikahos bunsod ng enhanced community quarantine.
Nag-ambag ang 40 personnel ng Minglanilla Police Station ng mula
P500 hanggang P1,000. Umabot sa P20,000 ang kanilang nalikom.
Ipinamigay nila ang kanilang regalo kahapon, dagdag ni Cesa.
Ginamit naman nila ang sobrang pera para ipambili ng makakain ang mga batang lansangan.
“We were glad to help in our small ways. This help was also a way of reminding the community to also follow the regulations set to fight the crisis against COVID-19,” dagdag ni Cesa.
Sakaling makakuha ng dagdag na pondo, plano nilang tulungan ang iba pang mahihirap na pamilya sa kanilang bayan.
Inamin ni Cesa na maging sila at kanilang mga pamilya ay nahihirapan din simula nang lumaganap ang Covid-19.
“My family also needs money and food, but these people need it more. We will do what we can to help even if it is just a small amount,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.