Juday sa COVID-19 crisis: Kapit lang tayo, matatapos din ang lahat
IBINAHAGI ni Judy Ann Santos sa “Magandang Buhay” ang natutunan niyang paggawa ng improvised face shield na kanilang ipinamigay sa mga Pinoy frontliners.
Nakita raw ni Momshie Jolina Magdangal ang Instagram Story ni Juday tungkol sa maraming pagtulong na ginagawa ng aktres. At isa na ang ginawang face shield ni Juday para sa volunteers.
Tinanong ni Momshie Jolens si Juday kung bakit ang paggawa ng face shields ang naisip niyang iambag sa rami ng tulong na pwede nigang gawin para sa frontliners na nakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.
“Well, actually, before pa ako ma-contact nu’ng kaibigan namin, mommy siya ng best friend ni Lucho (only son nina Judy Ann at Ryan Agoncillo), nakita ko na siya sa Instagram. Kahit sa bahay lang, di ba, makakatulong tayo. So, kinabukasan tinext niya ako if I want to volunteer. Sabi ko, go!” pahayag ni Judy Ann.
In fairness, malaking bagay sa safety hindi lang para sa frontliners and volunteers ang ginagawang face shields ni Juday. Pwedeng-pwede rin sa ating lahat ito para pangontra sa pesteng virus na yan.
Anyway, ibinahagi rin ni Juday ang realizations niya sa kasalukuyang health crisis sa buong mundo.
“Alam mo, na-realize ko after nitong naka-quarantine tayong lahat? At the end of the day, it’s really family. Sila pa rin talaga yung una mong iisipin. Sila yung una mong kukumustahin. Iba-iba tayo ng sitwasyon.
“I’m sure isa rin ang iniisip nila. Iniisip nila yung kakainin kinabukasan kasi hindi sila nakakalabas. Or kung ano yung mabibili nila. Kasi nga, minimum wage yung kita nila. Tapos hindi sila makalabas para magtrabaho. Paano mo siya magagawan ng paraan?
“So, doon lalabas yung pagsasama-sama ng buong pamilya para maitawid yung isang buong araw.
“I-appreciate natin na ang pinakamalaking blessing na ibinigay ng Panginoon sa atin is family. Mayaman hanggang sa pinakamahirap, lahat tayo may isang malaking treasure na pinanghahawakan, ang family natin. Ito yung pinoproteksyunan natin,” aniya pa.
Dugtong pa ni Juday, natuwa raw siya na may ibang boses siyang narinig that day. Parang mas nabuhayan pa siya ng loob.
Sa huli, nagbigay din si Juday ng encouraging words para sa lahat, “Maniwala lang tayo na matatapos ito. Matatapos din ito. Babalik sa normal ang mga buhay natin. It’s not gonna be soon, but it will happen. Kapit lang tayo,” diin pa ni Judy Ann
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.