Ambulansya sumalpok, tumagilid: 1 patay, 4 sugatan
ISANG barangay tanod ang nasawi at apat pa katao, kabilang ang isang buntis, ang nasugatan nang sumalpoksa poste at tumagilid ang sinakyan nilang ambulansya, sa Bay, Laguna, Sabado ng madaling-araw.
Nasawi si Ofelia Regalado, 50, tanodat residente ng Brgy. Tuntungin-Putho, Los Baños, ayon sa ulat ng Laguna provincial police.
Sugatan naman ang iba pang pasahero na sina Anna Jane Soriano, 32-anyos at buntis; kinakasama niyang si Wingvale Gunchoma, 31; at kapatid nyang si Norlito Soriano, 27.
Sugatan din ang driver na si Novo Magtangob, 41, empleyado ng Brgy. Tuntungin-Putho.
Naganap ang insidente sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Maitim, pasado alas-12.
Minamaneho noon ni Magtangob ang barangay ambulance (FIG-344) mula Sta. Cruz, pabalik ng Los Baños.
Lumabas sa imbestigasyon na nakaidlip ang driver kaya nakabig papunta sa kabilang lane ang manibela, hanggang sa sumalpok ang ambulansya sa isang poste ng kuryente at tumagilid, ayon sa pulisya.
Dinala lahat ng sakay ng ambulansya sa magkaibang pagamutan, pero di na umabot nang buhay si Regalado.
Hinahandaan na ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, damage to property, and physical injury ang driver ng ambulansya.
Kinumpirma din ng lokal na pamahalaan ng Los Baños ang insidente, at nagpahayag ng pakikiramay sa pamilya ni Regalado, na itinuturing nitong “frontliner” sa kampanya laban sa COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.