Mga dapat mong malaman tungkol sa utang, bayarin ngayong lockdown
ISA sa pinangangambahan ng ating mga kababayan ngayong naka-lockdown pa rin tayo ay ang kanilang mga utang o bayarin.
Ano nga ba ang ating mga karapatan hinggil sa utang ngayong lockdown base na rin sa naipasang Bayanihan Law na tumutugon sa banta ng Covid-19?
Narito ang kadalasang tanong at mga sagot para sa kabatiran ng lahat:
1. Papaano yung mga utang na hindi nabayaran dahil nagkaroon ng lockdown?
Binigyan ng Balikatan Law ang Pangulo na utusan (DIRECT) ang lahat ng bangko o financial institution, lending institution, pribado o publiko, kasama na ang GSIS, SSS, Pag-Ibig Fund na magpatupad ng hindi bababa sa 30 days grace period para bayaran ang mga utang na walang babayarang interest, penalties, fees o alinmang charges.
2. Anu-anong utang ang kasama rito?
Salary, personal, housing, motor vehicle loan at utang sa credit card na naging due at dapat bayaran simula noong Marso 17, 2020 hanggang Abril 12, 2020.
Halimbawa dapat mo nang bayaran ang iyong utang sa credit card na naging due noong Marso 20, 2020 pero dahil sa lockdown hindi mo ito nabayaran.
Ikaw ay mayroon pang 30 days mula Abril 13, 2020 o hanggang Mayo 13, 2020 para bayaran ang iyong utang sa credit card mo na walang interest, penalties, fees o anumang charges.
Take note, dapat ang utang ay naging due from Marso 17, 2020 hanggang Abril 12, 2020. Kaya kung ang utang ay naging due noong Marso 15, 2020 hindi ito pasok dito.
3. Kasama ba rito yung sinangla na alahas sa pawnshop at utang sa sari-sari store, kapatid o kaibigan?
Kasama ang pawnshop, pati na ang mga private lending institution kagaya ng kooperatiba dahil sila ay nabibilang sa financial institution. Dahil dito pasok din ang 30 days grace period.
Yung utang sa sari-sari store o sa kamag-anak mo o kaibigan mo ay hindi kasama rito.
4. Papaano naman yung bayad sa renta ng bahay o commercial unit building na hindi nabayaran dahil sa COVID-19?
Binigyan din ng Balikatan Law ang Pangulo na magbigay ng 30 days grace period sa mga renta o upa sa mga residential houses na dapat bayaran at naging due noong Marso 17, 2020 hanggang Abril 12, 2020.
Hindi rin mapapatawan ng interest, penalties, fees at iba pang charges ang mga umuupa.
Halimbawa dapat mo nang bayaran ang upa o renta ng bahay mo na naging due noong Marso 20, 2020 pero dahil sa lockdown hindi mo ito nabayaran. Ikaw ay mayroon pang 30 days mula Abril 13, 2020 o hanggang Mayo 13, 2020 para bayaran ang iyong upa o renta na walang interest, penalties, fees o anumang charges.
5. Papaano naman ang mga renta o umuupa nang mga commercial space o building?
Hindi ito kasama sa kapangyarihan ng Pangulo na ibinigay ng Balikatan Law.
STAY HOME. STAY SAFE. STAY ALIVE.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.