NAGLABAS na ng ilang panuntunan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung paano magbebenepisyo sa social amelioration package na inaalok ng pamahalaan bilang pagtugon sa mga apektado ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Base sa naunang pahayag ni Pangulong Duterte, kabilang sa mga pasok sa tulong pinansiyal mula sa gobyerno ay ang mga low-income earners, small, medium enterprises (SMEs), magsasaka at mga mangingisda na apektado ng Luzon-wide lockdown dahil sa coronavirus (COVID-19).
Sinabi naman ng DSWD na kabilang sa proseso sa pagkuha ng social amelioration package ay ang mga sumusunod:
- Mamamahagi ang bawat lokal na pamahalaan ng mga barcoded social amelioration card (SAC) forms sa kanilang nasasakupan na gagawin na “house to house basis”.
- Ang barcoded SAC ay libre at wala dapat bayaran.
- Ang puno ng pamilya ang magsusulat ng kumpletong impormasyon na hinihingi sa SAC form.
- Tiyakin na kumpleto ang mga impormasyon na inilagay sa form.
- Isumite ang form sa kinatawan ng lokal na pamahalaan na babalik sa inyong bahay.
- Sakaling maaprubahan ang aplikasyon, ang lokal na pamahalaan ang mamamahagi ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno.
Sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pinakamalaki ang subsidy na ibibigay sa Metro Manila (P8,000) kung saan pinakamataas ang minimum daily wage.
Makatatanggap naman ng P5,500 ang mga kasaling pamilya sa Region 1 at 2, P6,500 naman sa Region 3 at Region 4A. Ang Region 4B at Region 5 ay 5,000, Region 6 at 7 ay P6,000, Region 8 at 9 ay P5,000, Region 10 at 11 ay P6,000, at Region 12, CARAGA at BARMM ay P5,000.
Ang Department of Finance ay nakikipagtulungan umano sa Department of Social Welfare and Development sa pagbuo ng consolidated database ng pamilya na makatatanggap ng tulong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.