ARESTADO ang dalawang pulis dahil sa umano’y panghahalay sa dalawang babaeng detainee sa Marikina City.
Nadakip, dinisarmahan, at kinasuhan na sina Pat. Arnold Geroy at Pat. Sonny Maruzzo, kapwa miyembro ng Marikina City PNP Special Operations Unit (SOU), sabi ni Maj. Gen. Debold Sinas, hepe ng National Capital Region Police Office.
Dinampot ang dalawa sa tanggapan ng SOU nitong Linggo ng umaga at ipinagharap ng kaso nitong Lunes, aniya.
Lumabas sa imbestigasyon na hinalay nina Geroy at Maruzzo ang nadakip na dalawang babaeng suspek matapos isailalim ang mga ito sa “custodial debriefing.” Inaresto ang dalawang babae dahil sa kasong may kaugnayan sa droga.
Nadikubre ang insidente nang ikuwento ng mga detainee sa duty jailer, matapos silang ibalik sa selda.
Nagpahayag si Sinas ng pagkadismaya sa insidente, at tiniyak na pananagutin ang mga inireklamong pulis kapag napatunayang may sala.
“I am dismayed. Our authority as law enforcers can never be and should never be an instrument of any form of abuse. If proven with guilt, necessary sanctions will be justly imposed to these policemen.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.