Dalamhati ng sports fan | Bandera

Dalamhati ng sports fan

Frederick Nasiad - March 27, 2020 - 02:52 PM

Hindi na mabilang ang biktima ng COVID-19. Ang mas nakatatakot pa nito ay wala pang nakikitang tunay na lunas para pugsain ang nakamamatay na coronavirus. Bagaman kasalukuyan nang ipinatutupad ang lockdown o community quarantine sa milyon-milyong katao sa buong mundo ay hindi talaga nito mawawakasan ang pandemic na ito bagkus ay nalilimita lamang nito ang pagkalat ng virus. Apektado na ang karamihan sa mga negosyo at ikinabubuhay ng mga tao. Nawalan na ng kinikita ang mga arawang manggagawa at tsuper sa lansangan. Hindi nakapapasok sa mga opisina ang mga karaniwang empleyado. At ipinagbabawal na rin ang pagtitipon-tipon sa anumang uri ng simbahan at sambahan. At higit sa lahat, para sa isang sports fanatics na kagaya ko, sadyang tumigil ang pag-ikot ng mundo ng palakasan. Kabubukas lamang ng ika-45 season ng Philippine Basketball Association (PBA) ay agad itong pinahinto ni commissioner Willie Marcial para sa kaligtasan at kapakanan ng mga PBA fans, players, coaches at support staff. Ipinatigil na rin ni Marcial ang mga laro sa PBA D-League. Nahinto rin ang playoffs ng Maharlikha Pilipinas Basketball League (MPBL) kung saan nagkakainitan na sana ang mga laban. Stop din ang mga laro sa collegiate leagues tulad ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA). Hindi rin natuloy ang mga professional boxing cards sa buwan ng Marso at maging ang taunang Gabriel “Flash” Elorde Awards ay na-unsyame. Pati ang mga karera ng kabayo sa tatlong karerahan sa bansa ay hindi na pinayagang tumakbo. Naurong rin ang pagbubukas ng Philippine Foortball League at ng Community Basketball Association. Postponed na rin ang Ironman, ang Milo Summer Clinics at ilang mga fun run sa bansa. Hindi lamang ang mga maliliit na events ang naapektuhan dahil ang pinakamalaki sanang “sports spectacle” ng taon — ang 2020 Tokyo Olympics na nakatakdang magbukas sa Hulyo 24– ay gaganapin na sa susunod na taon. Biktima rin ang National Basketball Association (NBA) kung saan ilan sa mga manlalaro nito ay nagpositibo pa sa COVID-19. Apektado rin ang Major League Baseball, National Football League, National Hokey League at maging ang  Euro 2020 na nakatakda sanang ganapin mula Hunyo 12 hanggang Hulyo 12 . Naurong din ang  Copa America, UEFA Champions League, women’s Champions League at Europa League. Nag-adjust na rin ng season ang Formula One, Indianapolis 500, Spanish Moto GP at  French Grand Prix (Le Mans). Sa golf, hindi matutuloy sa Abril 9-12 ang The Masters at sa Mayo 14-17 ang  PGA Championship Sinuspindi na rin ng International Cycling Union ang lahat ng cycling activity nito hanggang sa katapusan ng Abril. Sa tennis, ang pinakaaabangang French Open ay inilipat mula sa May 24-June 7 schedule nito patungo sa September 20-October 4. Pinag-iisipan naman ng mga organizers ng Wimbledon kung itutuloy nila ang torneyo mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 12. Ang Boston Marathon ay inilipat mula Abril 20 patungong Setyembre 14 habang ang London Marathon naman na unang itinakda sa Abril 26 ay itatakbo na sa Oktubre 4. Pero ito ay kung makahahanap na lunas kontra COVID-19 ang mga eksperto sa mga linggong darating dahil kung hindi ay malamang na sa Playstation, Xbox, youtube at smart phone apps na lamang natin mae-enjoy ang sports.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending