‘Sobrang importante ngayon kahit barya-barya lang’
Marami nang buryong na buryong na sa kanilang sitwasyon ngayon. Hindi sila makalabas, bawal, kaya puro pagtutok sa kanilang mga gadget ang libangan nila ngayon.
Palagi naming ka-text si Rita Avila. Hindi siya nakalilimot na mangumusta, inaalam niya ang aming kalagayan, kakambal ang maraming pagpapayo.
Kung magtatagal pa ang enhanced community quarantine ay may punto ang aktres, maaaring magkaroon nang malawakang nakawan, dahil bituka na ng mga walang-walang madudukot sa bulsa ang nakataya.
Naganap na ang ganu’n sa maraming bansa, pinapasok ng taumbayan ang mga malls, grocery, ang bahay ng mayayaman, dahil sa sobrang taggutom.
Laganap ang kahirapan dahil sa mga kababayan nating pinagbawalang pumasok, lalo na ang mga tumatanggap lang nang arawang suweldo, paano na nga naman ang kalam ng sikmura ng kanilang mga pamilya sa ganitong sitwasyon?
Kung sana’y kayang sustinihan ng ating pamahalaan ang mga naghihikahos nating kababayan na tulad sa United Kingdom, sagot ng kanilang gobyerno ang pagkain at mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan, hindi ganu’n kayaman ang bulsa ng ating bayan.
Ngayon natin mas maiisip ang kahalagahan ng bawat sentimong nahahawakan natin, may mga pagkakataong napakaimportante kahit ang mga barya-barya, para maitawid ang pangmaghapon nating buhay.
Harinawang mas maagang matuldukan ang krisis na ito, lumipad na sana sa ibang planeta ang COVID-19, patuloy lang ang ibayo nating pag-iingat at panalangin na mahalagang armas natin sa kalagayang ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.