EH, ano ngayon kung gusto ng Alyansa ng mga Sabungero na basbasan sila ng Commission on Elections bilang ganap na partylist at tumakbo sa 2010 elections? Eh ano ngayon kung sa unang araw ng kanilang nais na makalahig ang basbas ng Comelec ay pangungutya, biro, insulto ang napala nila sa matatalino (raw) na mga komentarista sa radyo at pinagpipitagang mga mangkokolum (kuno) sa mga diyaryo? Eh ano ngayon kung basbasan nga ang Sabungero, at eh ano rin kung di sila basbasan?<
Ayon sa kanilang dokumento, hindi interes ng malalaki at multi-milyonaryong mga sabungero, tulad nina Manny Pacquiao, Casimiro Ynares Sr., Luis “Chavit” Singson, Rodolfo Plaza, Eduardo Cojuangco, Ramon Revilla Sr., mga Araneta, Ledesma, malalaking politiko sa Senado’t Kamara at matatandang tinaling mga gobernador at mayor ang kanilang isinusulong. Malalaki na ang mga sabungerong ito at mas lalong hindi sila marginalized. Ang isinusulong ng Alyansa ay ang interes ng maliliit na manggagawa sa sabungan at industriya (ang mga negosyong patuka, gamot, gamit, konstruksyon, atbp.), kung saan ang mga ito ay labis na api sa suweldo, benepisyo at termino sa trabaho sa kabila ng daan-libo at milyun-milyong pisong kinikita ng malalaking sabungero. Hindi araw-araw ang sabong pero ang mga obrero ng industriya ay araw-araw na nakatali sa kanilang minahal at kina-gisnang hanapbuhay. Maliliit na obrero na walang impluwensiya, taliwas sa pagkakaintindi ni Sen. Juan Ponce Enrile.
Nagbibiro ba si Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño, na kakampi ng Kaliwa (dahil hindi niya binabanatan ang mga ito, lalo na ang extortionist na New People’s Army), nang sabihin niyang di na kailangan ang Alyansa dahil marami na sa kanila ang nasa Kamara? Kung marami ngang sabungero sa Kamara, bakit pi-nabayaan nila na sagad-lupa ang suweldo ng maliliit na obrero sa industriya?
O natatakot lamang ang mga politiko na dahil mas marami ang mga sabungero kesa komunista, ay baka sa kangkungan pulutin ang mga Pula pagkatapos ng halalan, lalo pa’t dokumentado na ang Partido Ladlad, at baka makalusot na ngayon?
Katawa-tawa ba ang mga sabungero, Panfilo Lacson at Mar Roxas, mga pinagpipitagang kasapi ng Senado? Mababa ba ang kanilang trabaho, na puwede na lang silang balewalain, tulad ng mga barker sa kanto at mga kargador ng consignacion sa Navotas Fish Port at tuna magnates sa General Santos City? Hindi ba sila puwedeng tingalain bagaman ang kanilang Santo ay tinitingala at dinarasalan?
Pero, kumambiyo rin ang mga politiko, pati na si Casino, sa bandang huli: ipaubaya na lang sa Comelec ang pasya sa Alyansa ng mga Sabungero.
BANDERA Editorial, August 20, 2009
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.