Covid-19: Uod lang tayo | Bandera

Covid-19: Uod lang tayo

Lito Bautista - March 06, 2020 - 12:15 AM

INILIGTAS Niya ang nasisiraan ng loob dahil batid Niya ang pangangailangan ng lahat. Humingi ng kagalingan; ito’y tanda ng pagpapakumbaba. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Is 55:10-11; Sal 34:4-7, 16-19; Mt 6:7-15) sa araw ni Santa Catalina Drexel, Martes sa unang linggo ng kuwaresma.
***
Hanggang kagabi, tanging ang Pinas (ang tanging bansang Katoliko sa Asya) na lamang ang patuloy na inililigtas ng Divino laban sa nakamamatay na Covid-19.
Kahit marami nang ipinatutupad na pagbabawal ang kapulungan ng mga obispo sa Intramuros, at ang iba’y nilalabag din naman sa maliliit na parokya sa mga lalawigan, dagsa pa rin sa mga Misa ang madla, lalo na sa mga Misa ng Pagpapagaling (Healing Masses), sa National Shrine of the Divine Mercy, National Shrine of St. Anne, sa St. Jansen Hall sa Christ The King, National Shrine of the Sacred Heart of Jesus, National Shrine of Our Lady of Lourdes, National Shrine of Our Lady of Fatima, National Shrine of St. Padre Pio, atbp.
***
Ni sintomas ng Covid-19 ay wala. Ang marubdob na pagtawag at pananampalataya ay kapuna-puna hindi lamang ngayong may banta ng Covid-19.
Sa nakatatakot at tila di maiiwasang Covid-19, kalamidad, lindol at pagputok ng bulkan, ipinaaalala na tayong lahat ay maliliit lamang at walang puwersa, mayaman man o mahirap, makapangyarihang politiko man o payak, tulad ng balo na naghulog ng kalansing sa buslutan sa sinagoga.
Ang pangamba ay nagpapaalala rin na tayo’y marurupok, pangulo man o Santo Padre. Ang tanging kalasag na lamang ay ang pagdarasal, at paglikas; dahil ang dasal ay walang bisa kung walang gawa.
***
Bagaman walang tatalo sa pagtawag sa Espiritu Santo na punuin Niya tayo ng lakas at pumasok sa puso ng lahat upang maunawaan at tanggapin bilang pasya ng Diyos ang mga nagaganap ngayon, sa bansa man o sa labas, ang pagtatalaga at pagpapaubaya sa Berbo sa ating buhay ngayon at bukas ang mas lalong nagpapatatag ng ating pananalig (iligtas Mo ako? Mali. Paano yung iba?).
Kaya ba ng mga kaka (kapamilya’t kapuso) sa Pinas ang nagaganap sa China, Italy, Iran at South Korea? Di ba kamangha-mangha na tayo’y matatag at wala sa krisis? Di ba tayo’y pinagpala pa rin?
***
Ang pagpapala ay sukli sa marami at kanya-kanyang nobena ng mga, hanggang ngayon, ay naniniwala’t nananalig pa rin sa Santatlo.
Sa dambana ng Birhen ng Lourdes sa Cabetican, Bacolor, Pampanga, ang nobena sa Mapagpagaling na Puso ni Jesus ay nagpapatuloy para sa mga may trangkaso, na sa China’y Covid-19 na; nobena sa Mahal na Birhen ng Fatina, na ang mga pinagpakitaang mga bata na sina Jacinta at Francisco Marto ay namatay sa trangkaso; sa Divine Mercy sa Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan; Santo Padre Pio sa Santo Tomas, Batangas; San Pedro Apostol, patron ng mga nilalagnat; Birhen ng Manaoag sa Pangasinan; Santa Faustina ng Divine Mercy; San Roque, patron ng nakahahawang mga sakit; San Camilo, na ang parokya ay malapit sa editorial ng Inquirer Bandera; San Martin de Porres, ang nagpapagaling ng mga sakit na nakuha sa mga biyahe; Birhen ng Lourdes (Retiro, Santa Mesa Heights, QC), na ang pinagpakitaang si Santa Bernadette Soubirous ay namatay sa sakit sa baga, tulad ng tinamaan ng Covid-19; San Blas, ang nakapipigil ng virus simula pa lamang sa lalamunan; at San Hudas Tadeo.
Kami’y uod lamang, na sa lupa’y gumagapang. Mahal na Birheng Maria, kung hindi mo tutulungan, ano ang aming kinabukasan?
***
Sa Athletes Village sa Capas, Tarlac, nabawasan ang bilang ng mga may hinihinalang Covid-19. Sa mga silid ng mga na-quarantine, nagdasal ang mga Katoliko at mga kaanib sa ilang sekta.
Sa cruise ship pa lamang ay nagdarasal na sila. Walang Katoliko, walang sekta, walang Muslim. Kanya-kanyang dasal at kanya-kanyang tinatawag. Sa taon ng Katoliko, ang 2020 ay ekumenismo’t interelihiyosong diyalogo.
Ito’y pagkakaisa ng mga Kristiyano’t pagkakasundo ng mga mananampalataya. Nagkataon? O itinakda ng Divino?
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Duhat, Bocaue, Bulacan): Sa work group sa isang talakayan, hiniling sa matatanda na ilista ang tatlong pangunahing ambisyon noong sila’y bata pa; at isang ambisyon ngayong sila’y matanda na. Mahigit sa kalahati ang sablay ang mga ambisyon. Iilan ang nakamit ang ambisyon. Sa ambisyon sa pagtanda, bokya. Wala nang naghangad ng kahon at wala na ring naghangad ng pera. Mali ang kasabihang di madadala sa hukay ang kahon at pera. Ang tama: di susunod sa hukay ang kahon at pera.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Batia, Bocaue, Bulacan): Kalabisan na ang pagsamba sa gadgets. Sa grupo ng estudyante’t mid-professionals, malinaw ang kakulangan sa kaalaman sa Ingles at Balarila. Malabo rin ang pagkaunawa sa binasang Ingles at ilang talata ng Florante At Laura. Dito pa lang ay may problema na. Paano pa sa buong bansa?
***
PANALANGIN: Ama naming mapagmahal, katulad ng buhay, ang kalusugan ng katawan ay biyayang kaloob Mo. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Ang sabi sa media, nabawasan na ang presyo ng LPG. Dito, hindi pa. Bakit? …4578, Mintal, DC

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending