Walang secret marriage sa ating batas
NAGING laman ng mga balita sa radyo, telebisyon, peryodiko at lalong lalo na sa social media ang kasalang Sarah at Matteo.
Hindi tuloy maiwasan ang tanong kung kailangan ba talaga ang “parental consent” o “parental advice” ng mga magulang bago ikasal ang magkasintahan. Kaya iyan ang ating hihimay-himayin ngayong araw.
Ano ba ang mga kinakailangang-legal bago magpakasal ang magkasintahan?
Una, ang magkasintahan ay dapat may kakayahang legal (legal capacity) pumasok sa kasalan. Ibig sabihin, sila ay may edad na 18 pataas at siyempre ang partido ay isang lalaki at babae (wala pa kasi sa ating same sex marriage o same sex union). Kaya ang menor de edad ay hindi pwedeng pumasok sa kasalan maski gustuhin o sang-ayunan man ng kanilang mga magulang.
Pangalawa, ang pagpasok sa kasalan ay boluntaryo. Hindi pupwede ang “shotgun marriage” kung saan ang isang partido ay pinupwersa o tinatakot. Dapat din ang “I do” ay sinasabi sa harapan mismo ng nagkakasal. Kaya ang “proxy marriage” ay hindi katanggap-tanggap sa ating batas.
Kailangan din na ang nagkakasal ay may authority na magkasal. E, sino-sino ba sila? Sila ay ang mga justices, judges, mayors, pari, rabbi at immam. Ang mga ministro ng simbahan (at iba’t ibang Christian Community) pati na ang mga iba’t ibang religious sect ay pwede rin magkasal basta ang isa sa ikakasal ay miyembro ng kanilang simbahan o sekta.
Kaya hindi ka pwedeng magpakasal sa inyong governor o congressman dahil sila ay walang kapangyarihang magkasal. Wala rin karapatan magkasal ang isang ministro ng simbahan o religious group kung isa sa ikakasal ay hindi miyembro o kasapi ng kanilang simbahan o sekta.
Meron din dapat marriage license ang ikakasal. Ito ay kinukuha sa local civil registrar ng city o municipality kung saan nakatira ang isa sa kanila. Pero kung ang ikakasal ay nagsasama (lived-in) na bilang mag-asawa sa loob ng limang taon o higit pa, hindi na nila kailangan ng marriage license para magpakasal.
Sa mga ikakasal na ang edad ay 18 hanggang 21, kailangan nila ng “parental consent” ng kanilang tatay o nanay o legal guardian. Kung walang “parental consent” na binigay ang mga ito, walang kasalang mangyayari o kung may kasalan man ito ay walang bisa.
Sa mga ikakasal naman na ang edad ay 21 hanggang 25, kailangan nilang kumuha ng “parental advice” sa kanilang mga magulang bago sila makakuha ng marriage license. Kung ito ay ayaw naman ipagkaloob o ibigay ng kanilang mga magulang, maari pa rin makakuha ng marriage license ang ikakasal at matuloy ang kasalan. Maaantala lang ang kasalan dahil kailangan nila maghintay ng tatlong buwan matapos ma-publish ang application nila for marriage license.
Kaya hindi na kailangan nina Sarah at Matteo na kumuha ng “parental consent” o “parental advice” sa kanilang mga magulang nang sila ay magpakasal dahil sila ay higit na sa edad na 25.
Walang “secret marriage” sa ating batas. Ang salitang “secret marriage” ay ginagamit lang natin dahil ang kasalang naganap ay hindi alam o pinaalam sa mga kamag-anak o kaibigan ng nagpakasal. Sa batas ang naganap na kasalan, sikreto man ito dahil ito ay hindi ipinaalam sa kamag-anak o kaibigan ay isang kasal pa rin na epektibo at valid sa mag-asawa.
***
May nais ba kayong isangguni sa Para Legal? Mangyaring mag-email lang po sa [email protected] o kaya ay mag-text sa 09989558253. I-follow kami sa Facebook @Inquirer Bandera at i-PM kami.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.