NAKUHA ni Daniel Ven Cariño ng Go for Gold ang kanyang unang lap victory matapos magwagi sa Stage Eight ng LBC Ronda Pilipinas 10th anniversary race na nagsimula sa Nueva Ecija Capitol sa Palayan City at nagtapos sa Burnham Park sa Baguio City nitong Lunes.
Tinapos ni Daniel Ven Cariño ang 170.6 kilometrong Palayan-Baguio stage sa loob ng apat na oras, 30 minuto at apat na segundo.
Nagawa naman ni Standard Insurance-Navy rider George Oconer na makasama sa 10-man lead group na unang dumating sa finish line para mapalakas ang tsansang mauwi ang titulo.
Kasama ang 28-anyos na si Oconer sa anim na Navy riders sa lead pack na pinamunuan ng Go for Gold rider na si Cariño.
“Sunod-sunod lang po kami sa Navy kasi dinadala nila ang karera. Pinoprotekhan nila ‘yung overall kaya sunod lang lang kami sa bawat galaw nila,” sabi ng 21-anyos na tubong-Mangaldan, Pangasinan na si Daniel Ven, na nakababatang kapatid ng nasa Standard Insurance-Navy na si El Joshua Cariño.
Pumangalawa si Marvin Tapic ng Bicycology-Army habang tumapos na pangatlo si Jonel Carcueva ng Go for Gold sa Stage Eight ng karerang hatid ng LBC at suportado ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation.
Nakalikom naman si Oconer ng kabuuang oras na 27:34:35 at kasunod niya ang mga kakampi sa Standard Insurance-Navy na sina Ronald Oranza (27:35:50), Ronald Lomotos (27:35:53), John Mark Camingao (27:36:28), Junrey Navarra (27:36:52) at El Joshua Carino (27:38:26).
Tanging ang 176.4km Pugo, La Union-Vigan Stage Nine at Vigan Stage 10 criterium na lamang ang mga nalalabing lap ng Ronda.
Inaasahan naman na hindi na matitinig ang mga Navymen sa top six spots ng individual general classification bagamat nabulabog ang puwestuhan sa ikapito hanggang ika-10 puwesto matapos malaglag sina Stage 1 winner Mark Julius Bordeos ng Bicycology-Army at Rustom Lim ng 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines sa mga nangungunang riders.
Umangat si Carcueva (27:39:59) sa ikapitong puwesto mula sa ikasiyam habang si DV Carino (27:40:21) ay lumapag sa ikawalo mula ika-12 puwesto. Si Ismael Grospe Jr. (27:40:23) ay umakyat sa ikasiyam mula ikasampu puwesto habang si Tapic (27:42:55) ay nakapasok sa No. 10 spot matapos manggaling mula sa ika-20 puwesto.
Nasiguro naman ng Standard Insurance-Navy ang ikaanim na diretsong team crown habang patuloy naman ang kapit nina Navymen Jan Paul Morales at EJ Cariño sa CCN Sprint at Versa King of the Mountain title.
Ang tanging kategorya na hindi makukuha ng Standard Insurance-Navy ay ang MVPSF Best Under-23 rider award na pinagtatalunan ng mga pambato ng Go for Gold na sina DV Cariño, Grospe at Jericho Jay Lucero.
Ang event, na may nakatayang P1 milyon para sa individual champion, ay suportado ng Palayan, Nueva Ecija, Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.