EMOSYONAL ang isyung ito at sa unang pagkakataon, at mismong mga dati kong kasamahan ay sumama, nakiprotesta sa Valentine rally sa labas ng ABS-CBN headquarters. Indikasyon sa akin na sobrang seryoso ang kanilang pakiramdam sa isyung ito.
Magwawakas ang 25-taong prankisa sa Marso 30, pero ang pakunswelo ay pwede raw mag-operate hanggang matapos ang 18th Congress sa 2022 dahil wala pang desisyon sa franchise renewal kung aprub o hindi.
Pero may kundisyon, “kailangang mag-isyu ng “provisional authority” ang National Telecommunications Commission (NTC) sa ABS-CBN.
Dito, marami ang nagsasabi na hindi ito “automatic” o “ministerial” dahil ang NTC ay ahensya ng DICT na “under” din ni Pres. Duterte. At ang super-laking tanong, mag-iisyu ba sila?
Ngayon pa lamang ang mga kakampi ng network sa Senado ay nais magdaos ng mga public hearings na ang layunin ay mahikayat kundi man pwersahin ang NTC na payagan ang ABS-CBN na ituloy ang kanilang brodkas matapos ang March 30.
Meron nang precedent dito tulad ng GMA7, RADYO VERITAS at Channel 5 na nagpatuloy noon kahit walang prankisa. Pero iba ngayon ang sitwasyon, dahil may reklamo si Solicitor General Jose Calida, na kung tutuusin ay “legal counsel” din ng NTC.
Apat ang “prayers” ni Calida sa Supreme Court.
Una, mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) sa digital pay-per-view channel nitong Kapamilya Box office (KBO) na ginawa daw nang walang permiso ng NTC.
Ikalawa, “forfeiture” ng broadcast franchise ng ABS-CBN TV and Radio operations kasama ang channel 2 at DZMM dahil sa mga iba’t ibang paglabag sa prankisa nito.
Ikatlo, “forfeiture” ng telecoms franchise ng ABS-CBN CONVERGENCE na nakuha sa “original grantee” na Multitel at nailipat, pero hindi dumaan sa Kongreso ang “transfer of ownership”. (Kasama rito ang negosyong TV PLUS at Mobile Phone).
Ikaapat, gawing permanente ang TRO sa Kapamilya Box office (KBO).
Merong diskusyon sa Philippine depository Receipts (PDR) na umano’y labag sa Constitutional ban sa foreign ownership sa Mas media, pero wala ito sa prayers.
Kung susuriin, ang mga alegasyon ay sumasapol sa mga prankisa ng ABS-CBN, ang broadcast franchise na RA 7966 at ang telecoms franchise na RA 7908 (as amended by RA 8332). At ang nagrereklamo ay gobyerno sa pamamagitan ng NTC bilang “regulatory agency”.
Sa panig ng ABS-CBN, wala silang nilabag na batas. Sumusunod sila mga patakaran ng mga prankisa at merong sapat na “government at regulatory approvals” ang lahat ng kanilang “broadcast offerings”, kasama ang KBO.
Ang pagmamay-ari nito sa ABS-CBN convergence telecoms franchise ay dumaan sa ilalim ng Public Telecommunications Policy Act tulad ng iba at “fully compliant” sa batas.
Nariyan din ang 11,000 na mga empleyado na maapektuhan kung tuluyang masarhan ang ABS-CBN. Kaya naman, bumubuhos ang suporta sa kanila ng iba’t ibang sektor. Bagay na tumutulak ngayon sa mga kakamping “congressmen” at senador na i-pressure si Speaker Alan Cayetano na aprubahan agad ang “franchise renewal”.
Sa ganang akin, “legalidad” ang isyu sa dalawang prankisa na ito at magiging mahigpit ang sagupaan ng ABS-CBN at si Calida bilang “abugado ng gobyerno” sa Korte Suprema.
At habang pinagtatalunan iyan, dapat lang mag-isyu ng provisional authority ang NTC bago mag-Marso 30 para tuloy ang broadcast ng Channel 2 at ng DZMM.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.