NAIPAMALAS ni tennis sensation Alex Eala ang lakas ng kanyang bigwas para sa bansa sa pakikipagtambalan kay Priska Nugroho ng Indonesia upang magkampeon sa 2020 Australian Open girls juniors doubles tournament nitong nakaraang Biyernes (Enero 31) sa Melbourne Park.
Winalis ng 14-anyos na si Eala at kanyang Indonesian partner ang European duo nina Ziva Falkner ng Slovenia at Matilda Mutavdzic ng Great Britain, 6-1, 6-2, para mauwi ang kampeonato.
Si Eala ang naging una ring Filipino na naisukbit ang juniors grand slam matapos si Francis Casey Alcantara na nakopo ang Australian Open boys doubles title katuwang si Hsieh Cheng-peng ng Chinese Taipei noong 2009.
Ito rin ang ikaanim na doubles title para kina Eala at Nugroho matapos na magtambal sila noong 2017.
Bunga ng kanyang naging tagumpay sa sinasabing isa sa apat na grand slam events ng tennis world, si Eala ang nagkakaisang pinili ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) bilang buwenamanong “Athlete of the Month” sa buwan ng Enero.
“Like all the other great Filipino athletes who made us proud in the last Southeast Asian Games, Eala did very well to put local tennis in the international map again,” sabi ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight.
“Her success serves as an inspiration to the Filipino youth who hope to make a difference in the wonderful world of sports,” dagdag pa ni Andaya.
Kaya tunay na napasakamay ni Eala ang distinksiyon bilang unang “Athlete of the Month” ng TOPS para sa taong 2020.
Ito ang unang paggawad kay Eala mula sa TOPS, ang pinakabagong sports organization na kinabibilangan ng editors, reporters, columnists at photographers mula sa iba’t ibang nangungunang tabloid newspapers sa Pilipinas.
Noong nakaraang taon, iniluklok ng TOPS sina Manny Pacquiao (Enero), Jasmin Mikaela Mojdeh (Pebrero), Natalie Uy (Marso), Ernest John Obiena (Abril), June Mar Fajardo (Mayo), the Philippine Canoe Kayak and Dragon Boat Federation team (Humyo), Obiena (Hulyo), Antonella Berthe Racasa (Agosto), Obiena (Setyembre), Caloy Yulo (Oktubre), Margielyn Didal (Nobyembre) at Roger Casugay (Disyembre).
Ang TOPS ang siya ring naghahatid ng “Usapang Sports”, ang weekly forum na ginaganap sa National Press Club at suporatado ng Philippine Sports Commission, National Press Club, Philippine Amusememt amg Gaming Corporation, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drink na napapanood ng live sa Facebook via Glitter Livestream ni actor-director Carlo Maceda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.