Mga panganib na dapat mong malaman ukol sa Coronavirus
NAALERTO ang World Health Organization sa ilang kaso ng pneumonia na nagmula sa Wuhan City sa Hubei province sa China dahil ang virus na ito ay hindi tumugma sa mga virus na dati nang kilala.
Ang bagong virus ay nangangahulugan na hindi tiyak kung paano ito gagamutin at kung ano ang epekto nito sa tao.
Makalipas ang isang linggo, kinumpirma ng Chinese authorities na bagong virus ang tumama sa mga pasyente.
Ang bagong virus ay coronavirus na kabilang sa pamilya ng mga virus kasama ng sipon, SARS at MERS. Ang bagong virus ay tinawag na na novel coronavirus o “2019-nCoV.”
Ang coronavirus na kadalasang nagdudulot ng respiratory illness, nangangahulugan na maaari itong mabilis na maipasa sa iba kaya kailangan ang lubusang pag-iingat.
Hanggang noong Sabado, umabot na sa 1,320 ang kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV sa buong mundo. Sa bilang na ito, 1,297 kaso ang nasa China kabilang ang nasa Hong Kong (5 kaso), Macau (2 kaso) at Taipei (3 kaso).
Ang mga kaso ng nCioV sa China ay kalat sa 20 probinsya nito.
Mayroon namang 23 kaso na naitala sa labas ng China at nasa siyam na bansa—Japan, Korea, Vietnam, Singapore, Australia, Thailand, Nepal, France at Estados Unidos.
Sa 23 ito, 21 ang mayroong history ng pagbiyahe sa Wuhan.
Ang kaso naman sa Korea ay natuklasan noong Enero 20. Ang pasyente ay 35-anyos na babae na Chinese national at nakatira sa Wuhan.
Nang pumasok siya sa Incheon International Airport ay nilalagnat na siya (38.3 °C) kaya agad na ipinasok sa isolation hospital.
Sa paunang pagsusuri ay nagpositibo siya sa pancoronavirus reverse transcriptase-polymerase chain reaction (RT-PCR) assay, at sa mga sumunod na pagsusuri ng Korea Centers for Disease Control and Prevention ay nakumpirma na siya ay nahawa ng novel coronavirus (2019-nCoV) noong Enero 20.
Isang kaso naman sa Vietnam ang walang history ng pagpunta sa China at ipinapalagay na ito ay nahawa lang ng tao na nanggaling sa Wuhan.
Ayon sa paunang imbestigasyon ito ay posibleng patunay ng human to human transmission.
Umabot na sa 41 ang namatay sanhi ng 2019-nCoV hanggang noong Enero 25—39 sa mga iba sa probinsya ng Hubei, isa sa Hebei province at isa sa Heilongjiang province.
Upang maiwasan ang pagkalat nito ay kinansela na ang maraming flight papasok at palabas ng Wuhan.
Dito sa Pilipinas, kinansela na ng Civil Aeronautics Board ang biyahe ng Philippine Airlines na Wuhan-Kalibo, Aklan.
Binabantayan din ang mga turista na nanggaling sa China pabalik sa bansa kung saan sila nanggaling upang maiwasan ang pagkalat nito.
Ang mga tao na nanggaling sa mga bansa kung saan may kumpirmadong kaso ng novel coronavirus ay dapat na kumonsulta kaagad sa doktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.