Yam Concepcion baliw-baliwan sa ‘NightShift’, shocking ang ending
NAPANOOD na namin ang bagong psychological suspense-thriller movie ng Viva Films at Alliud Entertainment na “NightShift” na pinagbibidahan ni Yam Concepcion.
Sigawan, gulatan at takutan ang nangyari sa ginanap na premiere night ng pelikula last Tuesday sa SM Megamall cinema 7, kaya naman tuwang-tuwa ang direktor ng movie na si Yam Laranas na siya ring nasa likod ng mga horror films na “Sigaw,” “Patient X”, “The Road” at “Aurora.”
Ang “NightShift” ang unang panakot movie ng Viva Films na tumatalakay sa mga misteryong bumabalot sa medical profession at sa mga kaganapan sa loob ng morgue. Sa kuwento, ginagampanan ni Yam ang karakter ni Jessie, isang Medtech student na na-assign sa isang morgue na pinamumunuan ng head pathologist na si Dr. Alex (Michael de Mesa).
Nangyari ang mga katatakutan at palaisipan sa loob lang ng 24 oras habang bumabagyo. Hindi dumating ang karelyebo ni Jessie sa morgue dahil nga sa malawakang pagbaha kaya mag-isa niyang tinrabaho ang lahat ng kailangan gawin sa mga bangkay na kailangang suriin.
At sa paglalim ng gabi, isa-isa nang gumagalaw at bumabangon ang mga patay sa morgue, “I had the feeling that the cadavers are moving. Parang nag-uusap-usap sila. I keep thinking it’s the day of final judgment when people are rising from the dead,” pahayag ni Yam sa aming panayam.
In fairness, mapapaisip ka talaga kung ano ba ang mangyayari habang halos mabaliw-baliw na ang karakater ni Yam sa mga nakikita at nararamdaman niya. Siguradong pati ang manonood ay maaapektuhan sa nangyayari kay Yam dahil na rin sa kaiisip kung bakit siya ang ginugulo ng mga bangkay. Sabi nga ni Yam, ang “NightShift” ay isang cerebral horror kaya kung mahuhulaan mo ang ending ng movie, pasadung-pasado ka nang maging psychologist.
Pinatunayan din ni Yam sa kanyang unang horror movie na kering-keri niyang manakot at matakot. Halos lahat na lang yata ng emosyon ay ibinigay niya rito at sa isang eksena pa nga ay naipakita niya ito lahat, ang maging masaya, malungkot, galit, pagod at takot.
Sabi naman ni Direk Yam about his latest movie, “I want to see what’s real out there and I translate them into a real scary story because that has a connection to a lot of people…it becomes relatable. And when you translate that into something horrifying, it touches people’s fears, nightmares and skeletons in their closet.”
Bukod kina Yam at Michael, kasama rin sa “NightShift” sina Irma Adlawan, Mercedes Cabral, Epy Quizon, Soliman Cruz at Ruby Ruiz. Showing na ito ngayon sa lahat ng sinehan nationwide.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.