Praning na aktres laging tulog dahil sa mga bisyo
TINUTUKAN ng isang grupong nagkakape ang dating magkarelasyong nauwi sa bangungot ang relasyon.
Napakaayos nu’ng una pero nang makailang taon na sila bilang mag-asawa ay biglang sumabog ang isang malaking iskandalo.
Nauwi sa hiwalayan ang relasyon na inasahan pa naman ng marami na magtatagal, nawindang ang publiko sa kanilang awayan na nauwi pa nga sa husgado, matagal ang kanilang labanan.
Napakaraming kuwento tungkol sa kanilang hiwalayan, may kani-kanyang istorya ang magkabilang kampo, pero mas naniniwala ang marami sa panig ng male personality.
Kuwento ng aming source, “Hindi na kasi niya kinaya ang mga pinaggagagawa ng female personality. Napabayaan na ang mga anak nila, may iba kasing pinagkakaabalahan ang babae, kaya para lang silang magkasama sa isang bubong pero wala nang pakialamanan.
“Ibang klase naman kasi ang babaeng ‘yun! Kung ano ang maisipan niyang gawin, walang makapipigil sa kanya! Kahit ang mga parents niya, e, walang nagawa sa mga kalokahan niya!
“Ayun, hindi na nakatiis ang guy, kumawala na siya sa relasyon, hindi na talaga niya kinayang makisama pa sa isang babaeng maghapong tulog,” unang chika ng aming impormante.
Kung bakit palaging tulog ang female personality dahil sa kanyang bisyong hindi niya maitapun-tapon.
“Ang palagi niyang idinadahilan, e, depression kuno. Ano ba ang reason ng isinasangkalan niyang ‘yun? Saan ba siya nade-depress? Kanino ba siya nade-depress?
“E, siya rin naman ang nagpabaya sa career niyang napakaganda nu’n, nagreyna pa nga siya sa isang network, di ba? Pero ano ang ginawa niya?
“Kapag tinatamad na siyang magtrabaho, e, sinasabihan niya ang alalay niya na ayusin na ang mga kagamitan niya, magpapa-pack-up na raw siya, dahil hindi maayos ang pakiramdam niya!
“Sa totoo lang, wala naman siyang sakit, pinalalabas lang niyang meron, para hindi na siya makapagtrabaho! Buking ang drama niya, tinapos agad ang serye niya, ‘yun ang dahilan nu’n!
“Naku, masarap siyang hambalusin ng bareta ng sabon para magising na siya sa katotohanan. Sayang ang panahon!” nakairap na pagtatapos ng aming source.
Naku naman, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kailangan pa bang i-memorize kung sino ang nakapanghihinayang na babaeng personalidad na ito?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.