Juday payag nang makatambal uli si Piolo pero may mga ‘kundisyon’
PAYAG na ang Teleserye Queen na si Judy Ann Santos na makatambal uli si Piolo Pascual sa isang proyekto pero may mga “kundisyon.”
Sa ginanap na finale presscon ng Kapamilya series na Starla na magtatapos na ngayong Biyernes sa Primetime Bida, sinagot uli ng aktres kung posible pa bang magkaroon ng reunion project ang tambalang PiolAy o Piolo-Juday.
“Sabi ko na nga ba, e, yan ang tutumbukin ng tanong, e,” natatawang sagot ni Juday. “Pero in fairness, consistent every year, natatanong sa akin ‘yan. Pagpasok ng taon, natanong na agad sa akin.”
“It’s not impossible. Pero gaya nga ng sinabi ko, patagal nang patagal, nagiging kritikal ‘yung istorya, kritikal ‘yung latag nu’ng magiging materyal, kasi siyempre, everybody’s looking forward for a Piolo-Juday project. Habang tumatagal, siyempre, mas lalong nagiging kritikal ang materyal,” dagdag niya.
Wala na naman daw silang issue ni Papa P, sa katunayan nagkita pa sila last Sunday sa ASAP Natin ‘To at nakunan pa sila ng litrato na magkasama, “Okay naman kami. ‘Pag nagkikita naman kami, we’re okay.”
Naniniwala ang marami na magiging blockbuster kapag nagtambal uli sila ng dating ka-loveteam pero sagot ng aktres, “‘Yun ang isa sa mga nakakatakot kasi ‘yun ang ine-expect nila, magiging blockbuster, eh kung hindi? Kasi, hindi tama ‘yung materyal, alam mo ‘yun? Ang daming kailangang i-consider. So, I’m just not being selfish because I just don’t want. Marami lang kailangan pa talagang i-consider.”
Samantala, ipinaliwanag naman ni Juday kung bakit tatapusin na ang Starla samantalang maganda naman ang rating nito at marami ring pumapasok na advertisers.
“When they presented Starla to me, talagang one season lang siya, at that time kasi, masyado nang napapagod ang mga tao sa mahahabang teleserye,” lahad ng award-winning actress.
Apat na buwan ding tumagal sa ere ang Starla na nagsimula noong October, 2019. Dagdag pang paliwanag ng misis ni Ryan Agoncillo, “So when they presented Starla to me, aaminin ko tinanong ko sila, ‘one season lang ba talaga ‘to?’ Kasi ‘pag halimbawang bumababa ang rating ng teleserye, ang bagsak naman noon, hindi sa istorya, sa artista.”
Birong chika pa nga niya, “Tinanong ko kung may diary at kuwintas na hahanapin, wala star lang talaga, so, okay na ako. Though, marami pang pwedeng gawin with the story, but ang ganda na nu’ng latag e, nu’ng pag-present pa lang sa akin, buo na ‘yung istorya may ending na talaga.”
At ngayong patapos na nga ang kanyang serye, gusto muna niyang maging full time mom and wife sa pagsisimula ng 2020. Nagpasalamat din si Juday sa madlang pipol sa mainit na pagtanggap sa pagbabalik niya sa soap opera.
Sa huling tatlong gabi ng Starla, sasagutin na kung mananaig ba ang kabutihan o tuluyan na itong matatabunan dahil sa kasamaan at kasakiman.
Sundan ang huling mga tagpo ng laban para sa pag-asa, kapatawaran at pagmamahal sa pamilya sa pagtupad ng mga kahilingan sa nalalapit na pagtatapos ng serye.
Haharap sa panibagong pagsubok sina Teresa (Juday), Mang Greggy (Joel Torre), at Buboy (Enzo Pelojero) dahil napasakamay na ni Dexter (Joem Bascon) si Starla (Jana Agoncillo) matapos nitong makumpirma na ang baby wishing star ang nasa likod ng mga misteryoso at hindi-maipaliwanag na milagro sa Baryo Maulap at ang dahilan kung bakit hindi maituloy-tuloy ni Dexter ang masasamang plano niya.
Dahil desperadong mapilit si Starla na tuparin ang kanyang gusto, kasado na ang balak ni Dexter na ilagay sa kapahamahak ang buhay nina Buboy at Mang Greggy. Dahil lima na lang ang natitira mula sa 50 hiling na dapat niyang tuparin, mag-aalala ang wishing star para sa kapanan ng kanyang sarili, ng kinikilala niyang pamilya sa lupa, at ng buong Baryo Maulap.
Samantala, matapos namang pagsisihan ni Teresa ang mga kasalanan niya at patawarin ang kanyang ama, nakahanda nang aminin ng abugado ang mga kasamaanng naging dulot ng paghihiganti niya laban sa mga taga-Barrio Maulap. Ngunit mapapatawad kaya siya ng mga ka-barrio niya o tuluyan na siyang itatakwil ng mga ito? Magkakaroon pa kaya siya ng pagkakataon na itama ang mga nagawang mali?
Sa kabila ng nagbabadyang lagim na ihahasik ni Dexter, mailigtas pa kaya ni Starla sina Buboy at Mang Greggy? Matuloy pa rin kaya ang pagiging full-fledged wishing star niya?
Sa panulat ni Dindo Perez at sa direksyon nina Onat Diaz, Darnel Villaflor at Jerome Pobocan, huwag nang bibitiw sa last three nights ng Starla sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.