Humuhuni, kinakapos ng hangin: asthma na ‘yan
HINDI biro ang pakiramdam ng nalulunod, lalo na kung wala ka naman sa tubig!
Ang pakiramdam na ito ay dahil mahirap o kaya sa malalang sitwasyon ay talagang wala ng hangin na dumadaloy sa respiratory tract, ang mga tubo na nagdadala ng hangin papunta sa baga at pabalik palabas. Mag-aalala ka kapag humuhuni ka sa tuwing dadaan ang hangin sa iyong brochi. Matatakot ka kapag pilit mong itinutulak ang hangin sa pamamagitan ng mga laman o muscles sa dibdib at balikat na sa ordinaryong sitwasyon ay hindi mo naman ito ginagamit.
Ano ba ang hika? Ito ay sakit ng baga at mga daluyan ng hangin na siyang sumusikip kapag may atake. Ang pagsisikip ay isang “hypersensitivity reaction” kung saan nagkakaroon ng “bronchial muscle spasm” at kadalasan ay nasasamahan ng marami at malagkit na plema. Mas mahirap lumabas ang hangin galing sa baga, naiipon ito.
Sa likod ng “hypersensitivity,” merong mga bagay na pwedeng mag-umpisa at magpalala ng atake ng asthma. Nandyan parati ang mga allergens gaya ng alikabok, insekto, pollen galing sa halaman at bulaklak, mold at mga buhok ng hayop.
Maaaring makairita ang mga kemikal na galing sa polusyon, sprays kahit pabango pa ito. Mayroon mga gamot na gaya ng aspirin na maaring mag-umpisa ng allergy.
Alam n’yo ba na kahit ang sagarang ehersisyo ay maaaring humantong sa ganitong sitwasyon? Syempre pa nandyan ang mga mikrobyo na magdudulot ng sipon at ubo. Bawat tao na may asthma ay magkakaiba ang nakaka-allergy.
May mga manggagamot na nakatutok sa baga at allergy ang espesyalisasyon. Sila ay ang pulmonologist, allergologist, at pati na rin ang mga internist at pediatrician.
Sigurado ako na kapag may hika ka, minsan sa buhay mo ay nagkonsulta ka na sa kanila. Naibigay na sa iyo ang mga kaalaman tungkol sa hika. Para doon sa mga bago pa lang na nagkahika, mahalaga na magpakonsulta sa mga espesyalista.
Ang gamutan ay nakatuon sa pag-iwas sa mga allergens at irritants. Mahalaga ang magkaroon ng maintenance medication dahil ayaw natin na maging malubha ang atake.
Sinasabing walang lubusang paggaling ang hika, kontrol lamang ng sintomas nito ang maidudulot ng mga gamot. Maaaring mabigyan ka lang ng maginhawang pagtulog sa gabi, magkaroon ng normal na paggalaw o gawa, pagbawas ng pangangailangan ng emergency medicines at ang madala sa emergency room.
May gamot na pang-matagalan (maintenance) at mayroon din ang pang-madalian (quick-relief). Pareho gumagamit ng sinisinghot (inhaler) at iniinom (oral). Mahalaga na laging dala ang mga gamot kahit saan man pumunta. At mas mahalaga ang iwasan ang athmatic attack.
Mapapakinggan din si Dr. Heal gabi-gabi sa DZIQ Radyo Inquirer 990am alas 8 hanggang 9:30 sa kanyang programang Radyo Mediko. Inaanyayahan din kayong sumulat o tumawag (519-1875, 519-1876) o kaya mag-text (0919-2908646) para sa inyong kaalaman sa inyong kalusugan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.