2 kongresista naghain ng bagong panukala para sa ABS-CBN franchise
SIYAM na ang kabuuang bilang ng mga panukala sa House of Representatives na layuning ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN, matapos maghain sina Rep. Rufus Rodriguez at Rep. Josephine Ramirez-Sato ng dalawang bagong panukala.
Inihain ni Rodriguez mula sa ikalawang distrito ng Cagayan de Oro ang House Bill 5705, habang si Ramirez-Sato naman mula sa Occidental Mindoro ay inihain ang House Bill 5753. Pareho nilang itinutulak ang panukala na maipagpatuloy ng ABS-CBN ang operasyon nito.
Bago ito, pito pang mga panukala ang nauna nang inihain ng 11 mambabatas sa kongreso, kabilang na ang House Bill 676 nina Rep. Micaela Violago, Rep. John Marvin Nieto at Rep. Joey Salceda, House Bill 3064 ni Rep. Jericho Nograles, House Bill 3521 ni Rep. Baby Arenas, House Bill 3713 ni Rep. Joy Tambunting, House Bill 3947 ni Rep. Sol Aragones, House Bill 4305 ni Rep. Vilma Santos-Recto at House Bill 5608 ni Rep. Aurelio Gonzales Jr., Rep. Johnny Pimentel at Rep. Doy Leachon.
Usap-usapan sa showbiz ngayon kung ano ang magiging kapalaran ng mga artista at mga ordinaryong manggagawa kung tuluyang ipasasara ang network dahil lang umano sa mga patalastas na ‘di umere.
Isa sa mga natanong ng press ay si Rep. Alfred Vargas na umaasang magiging maayos din ang lahat dahil maraming maaapektuhan kapag hindi ma-renew ang franchise.
“Siyempre para sa akin eh, marami pa ring trabaho ang nabibigay ng network and sana maayos. And then kasi naman ang concern ko maraming mawawalan ng trabaho and sana kung anuman yung problema, sana anuman ang mangyari eh, maaayos pa rin in the end,” sabi ng actor-politician.
Ganoon din ang pananaw ni Sen. Lito Lapid nang hingan ng reaksyon hinggil sa posibilidad na ipasara ng gobyerno ang network, “Kawawa naman. Huwag naman, marami ang mawawalan ng trabaho. Basta, magdasal na lang tayo. Sana, walang mawawalan ng trabaho.”
Kamakailan ay kumatok si Yeng Constantino sa puso ni Pangulong Rodrigo Duterte, “I don’t know what’s right and wrong for you, and why it has come to this, but sir, I wish you would consider other artists who are working in this industry, like us, knocking at your heart[‘s door], hoping you won’t cut off our source of income.”
Nakatakdang mag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN Marso, 2020, pero hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin sa kongreso ang mga panukala para ma-renew ito.
Samantala, ipinangako ni House Speaker Alan Cayetano na magiging patas ang House of Representatives kapag nagsagawa na ng mga pagdinig sa susunod na taon.
Positibo naman si Sen. Tito Sotto na may sapat na oras ang House of Representatives at senado para makapagpasa ng batas na magbibigay sa ABS-CBN ng bagong prangkisa.
Kamakailan lang, nag-trending ang #NoToABSCBNShutdown dahil na rin sa mga tagasuporta ng Kapamilya network.
Ayon naman sa isang independent survey, lumalabas na ABS-CBN ang pinakapinagkakatiwalaang pinagkukunan ng balita ng mga Pilipino sa Visayas at Mindanao, sa kabila ng mga banta at paninira sa network.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.