Joaquin Domagoso manang-mana kay Yorme Isko; ang tindi ng sex appeal
TUWANG-TUWA ang ating kaibigan at BANDERA columnist na si Ambet Nabus dahil hindi siya binigo ng mga inimbita niyang celebrities para pasayahin at tulungan ang mga batang nasa bahay-ampunan.
Tagumpay ang kanyang benefit concert na “Can’t Stop The Feeling” na ginanap kamakailan sa Music Museum. Ang proceeds ng show ay ibabahagi sa mga batang kinakalinga ng Bahay Aruga Foundation.
In fairness, nag-enjoy ang lahat ng nanood sa concert dahil sulit na sulit talaga ang ibinayad nila dahil sa dami ng mga artists na nag-perform that night.
Tilian at palakpakan ang audience nang umapir ang anak ni Manila Mayor Isko Moreno na si Joaquin Domagoso na super sing and dance on stage.
Tulad ng kanyang tatay, ang lakas din ng dating ng bagets pero halatang may hiya factor pa siya habang nagpe-perform. Sabi nga ng ilang nasa Music Museum, siguradong sisikat din si Joaquin kapag nabigyan ng magagandang projects.
Agaw-eksena naman ang newcomer na si Cool Cat Ash, anak ng dating singer-actress na si Lala Aunor at nakababatang kapatid ni Marion Aunor. Palakpakan ang audience nang kantahin niya ang advocacy song na “Mataba” with matching sext outfit kung saan lantad na lantad ang kanyang plus size na body.
Hindi rin nagpahuli ang sister niyang si Marion with her hugot songs kaya naman senti-senti ang ilang girls na nasa audience. Nag-perform din si LA Santos with his version of “Isang Linggong Pag-Ibig” ni Imelda Papin.
Maganda ang version ni LA at kumpara noong una namin siyang napanood kumanta at mag-perform, masasabing sanay na sanay na siya ngayong humarap sa audience at talagang performer na rin ang datingan niya, lalo na nang kantahin na niya ang “Buwan” ni JL Labajo.
Winner din ang production number ni Atty. Bruce Rivera na inialay niya sa LGBT community. Birit kung birit naman ang inihandog ni Liezel Garcia habang hagalpakan naman ang audience sa pagpapatawa ni Atak Arana.
Naghandog din ng isang awitin si Miles Ocampo para sa mga bata ng Bahay Aruga. Game na game pa siyang nakipag-selfie sa ilang fans nang bumaba sa stage.
At siyempre para sa finale, naghandog ng mga classic OPM songs ang may pakana ng benefit concert, si Ambet Nabus. Sa huling bahagi ng kanyang performance tinawag niya on stage ang mga batang kinakalinga ng Bahay Aruga para sa kanyang last song.
Nagpasalamat din si Ambet sa lahat ng bumili ng tickets at sponsors ng concert dahil malaki ang maitutulong nito para mas maging masaya ang Pasko ng mga nasa Bahay Aruga Foundation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.