Maswerte sina Maine at Arjo sa isa’t isa, pareho silang mabuting tao -Sylvia
MAGIGING mabuting asawa at ama si Arjo Atayde. ‘Yan ang siniguro ng award-winning actress na si Sylvia Sanchez sakaling magkaroon na nga ng sariling pamilya ang kanyang panganay na anak.
Nakachikahan namin si Ibyang matapos siyang pumirma ng kontrata bilang bagong talent ng ALV Management ni Arnold Vegafria kamakalawa.
Aniya, kilalang-kilala niya ang ugali ng anak at naniniwala siya na napalaki niya nang maayos, marespeto at responsable ang aktor, “Kaya lagi kong sinasabi mabuting tao ang anak ko, disiplinado at mapagmahal sa pamilya at mga kaibigan niya.”
So, maswerte si Maine dahil siguradong magiging mabuting asawa si Arjo sakali ngang magkatuluyan sila? “Maswerte silang pareho sa isa’t isa, dahil pareho silang mabait at responsableng tao.”
Natanong din si Ibyang kung alam niya ang pagbabakasyon nina Arjo at Maine sa California, USA kamakailan, “Oo naman, alam ko. Alam ko. Alam ko lahat ng kilos ni Arjo. Alam ko lahat kung saan siya pupunta.”
“Ayaw ko lang siyempreng… di ba, ‘Oy! Ganito-ganoon ang anak ko!’ Of course, buhay niya iyon, e! Pero siyempre, hindi puwede si Arjo na umalis sa bahay nang hindi namin alam, di ba? Nanay, tatay, magpapaalam yun.
“Alam ko, alam ko pa yung mga plano, but sa kanila yun. Bahala silang dalawa. Masaya ang anak ko, masaya si Maine. So, masaya ako para sa kanila,” aniya pa.
Samantala, ipinaliwanag ni Sylvia kung bakit nagpa-manage pa siya sa ALV samantalang okay na okay na siya sa Powerhouse Arte, Inc.. with a top-rating teleserye and some endorsements.
Lalayasan na ba niya ang Powerhouse? “Hindi ako nang-iiwan ng tao sa buhay ko simula nu’ng nagsimula ako, nangdadagdag ako ng kaibigan, ayokong nang-iiwan.”
“Naisip ko kasi noon pa na gusto kong magkaroon ng manager nu’ng nawala na si Tita Angge (Cornelia Lee). Kami actually ni Smokey, kaso natatakot kami kasi si Tita Angge, maraming bilin noon na huwag kay ganito o kay ganyan kasi ganyan yan, ganito ugali. So, kami ni Mokey natatakot.
“Kaya nu’ng nawala si Tita A, naisip naming magtayo nitong Powerhouse para meron kaming talent agency na ako rin naman ang manager ng sarili ko, si Anna siyempre ang contact person. So tumatagal, naiisip din namin, bakit wala akong ineendorsong produkto, sayang naman ‘yung mga teleserye ko na sa awa ng Diyos ay mataas ang ratings.
“Ito rin pala ang naiisip ng asawa ko (Art Atayde), actually siya ang nagsabi na kay Arnold ako magpa-manage kasi kilala niya at businessman, si Art ang nag suggest talaga kay Arnold kasi hindi ko naman kilala si Arnold, naririnig ko name niya, nagkikita kami pero hindi ko siya personal na kilala, si Art kilala si Arnold, kaya doon nagsimula,” mahabang kuwento ng Kapamilya actress.
Ayon naman kay Arnold Vegafria, may mga pinaplano na silang projects for Sylvia pagpasok ng 2020, “Number one ang films, I told her nga na at least we have minimum of 2 films in a year and merong endorsements na papasok na I hope by the first quarter of the year but of course I cannot reveal yet kasi, pero ‘yung film 100% tuloy ‘yun.”
At dahil premium star naman ang category ngayon ni Sylvia dahil sa mga teleseryeng nagawa niya ay pawang hataw sa ratings game lalo na ang The Greatest Love at itong umeereng Ang Pamilya Ko ay tataas na ang talent fee ng aktres dahil babaguhin na ito ng bago niyang manager.
“Siyempre kailangan kasi mataas naman ang value niya sa television and it’s about time na i-increase ko rin ang outside television niya, dapat everything tataas. I promised to her (Ibyang) that I will deliver a good price sa lahat ng gagawin niya outside television,” pahayag ni Arnold.
Bukod dito, sisimulan na rin ni Ibyang ang pangarap niyang maging producer siyempre sa tulong na rin ng ALV. But that’s another story to tell.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.