Employer hiniritan ni Imee: Wag kuripot, empleyado bigyan ng X’mas bonus
KINALAMPAG ni Senador Imee Marcos ang mga negosyante at may-ari ng mga malalaking kumpanya na huwag umanong magkuripot ngayong Kapaskuhan, at magbigay ng Chirstmas bonus sa kanilang mga empleyado.
Bukod anya sa 13th month pay na itinatakda ng batas na hindi dapat kalimutang ibigay ng mga employer, sinabi ni Marcos na malaking tulong at saya ang idudulot sa mga manggagawa kung pati Christmas bonus ay mag-aabot ang mga negosyante.
Nilinaw ni Marcos na bagamat hindi itinatakda sa batas ang pagbibigay ng Christmas bonus, ang mga malalaking kumpanya o maunlad ang negosyo ay maaaring boluntaryo na magbigay ng Christmas bonus sa kanilang mga empleyado.
“Kung maganda naman ang takbo ng negosyo ng isang kumpanya, pwede naman kahit grocery pack o P2,000 o higit pa ang ibigay sa kanilang mga empleyado. Christmas naman ngayon at malaking bagay na yun sa kanilang mga empleyado,” hirit ni Marcos.
Sinabi pa ni Marcos na minsan lamang sa isang taon ang boluntaryong pagbibigay ng Christmas bonus, at hindi kalabisan kung ipagkakaloob ito ng isang employer sa kanyang mga manggagawa lalu na kung kumikita naman ang kanilang negosyo.
“Kung gagawin ito ng isang kapitalista, lalung mahihikayat ang kanilang mga empleyado na magtrabaho nang maayos at higit na magpakita ng katapatan sa kanilang pinapasukang trabaho,” dagdag pa ni Marcos.
Matatandaang ibinunyag din ni Marcos na sa kasalukuyan laganap pa rin sa bansa ang hindi pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyadong regular na nagtatrabaho sa kabila na malinaw itong ipinag-uutos ng batas.
“Kawawa talaga ang mga empleyado dahil maraming tiwaling kumpanya ang hindi sumusunod sa mga batas sa paggawa. Talamak pa rin ang hindi pagbibigya ng kanilang SSS, walang overtime pay, night differential, walang regularisasyon, hindi maayos na kondisyon ng pinapasukan, at iba pang anyo ng pang-aabuso at labor violation,” ayon pa kay Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.