SEA Games: 15-anyos Yolanda survivor sumasagwan sa alon ng buhay | Bandera

SEA Games: 15-anyos Yolanda survivor sumasagwan sa alon ng buhay

Dennis Christian Hilanga - December 09, 2019 - 05:47 PM

Tandang-tanda pa ni Joanna Barca ang petsang Nov. 8, 2013, ang araw na humagupit ang typhoon Yolanda sa Pilipinas na halos gumunaw sa kanyang mga pangarap.

Sa edad na siyam noon, mapalad pa rin si Barca na makaligtas sa delubyo. Umabot sa 6,340 ang nasawi dahil dito.

“Wala po kaming makain, mainom, masuot, washed out talaga,” kuwento niya.

Makalipas ang anim na taon, matatag niyang hinaharap ang hamon ng dagat. Sa oras na ito, sa larangan ng dragonboat.

Isa siya sa magigiting na atleta ng Philippine Canoe Kayak Federation na lumahok sa 2019 Southeast Asian Games.

Wala mang naiuwing ginto, ginto na rin para sa kanya na mapabilang sa national team kahit bata pa.

“Nagpursigi ako na makapasok talaga,” sabi ni Barca na naging national athlete sa edad na 14.

Ito ang kanyang unang sabak sa SEA Games kung saan kasama siya sa 22-man team na nagwagi ng bronze sa 500 meters mixed event.

Nabinyagan ang bagito sa World Cup sa China noong 2018.

Nais tulungan ang mangingisdang ama, malaking ginhawa ang nakukuhang allowance ni Barca.

“Tuwing nakakasahod nagpapadala po ako, nakakatulong-tulong na rin,” masayang pagbabahagi ng Yolanda survivor.

Pinaplano na rin ni Barca na tumira sa konkretong bahay na hindi aabutin ng alon.

“Gusto ko makapagpatayo ng bahay na malayo sa dagat,” aniya.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pinatatag ng bagyo, pangako ni Barca na patuloy niyang sasagwanin ang alon ng buhay para sa mga mithiin.

“Pinatibay noon ‘yung puso ko,” dagdag pa ng SEA Games bronze medalist. “Nilagay ko sa isip ko na kailangan kong labanan yung Yolanda para sa kanila.”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending