‘Real life Darna’: Larawan ng mga pagtulong ni Angel, trending sa social media
Trending ngayon sa social media ang mga larawang kuha kay Angel Locsin habang naghahatid ng tulong sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas na sinalanta ng man-made at natural disasters.
Lumusong sya sa baha para tulungan ang mga nasalanta ng bagyong Ondoy (2009) at storm surge Yolanda (2013), kabilang sya sa nagbigay ng unang tulong matapos ang madugong bakbakan sa Marawi (2017), sa Mindanao earthquake (2019), Taal eruption (January 2020), at COVID-19.
Ganundin, kabilang si Angel sa mga lumahok sa protest rally para sa may 11,000 empleyadong nagbabantang mawalan ng trabaho sa ABS-CBN dahil hindi binigyan ito ng bagong prangkisa ng gobyerno.
Ang caption ng Kapamilya website sa mga nabanggit na larawan, “Angel Locsin we saw you in Ondoy, Yolanda, Marawi, Mindanao Earthquake, Taal Eruption, COVID 19 and recent Mother Ignacia fearless as a voice of 11,000 and more people you never get tired you are REAL LIFE DARNA!
“Lumalaban para sa mga ordinaryong empleyado ng ABS-CBN. May malasakit sa mga kapwa niya ka trabaho. Nag iisa lang siya. Maraming Salamat! Mabuhay Ka Angel Locsin! Mahal ka namin! #LabanKapamilya .”
Sa totoo lang kulang pa nga ang mga larawang ito ni Angel dahil marami pa siyang nahatiran ng tulong sa mga liblib na lugar ng Pilipinas na hindi nabalita. Alam namin ito dahil may nagpaparating sa amin at sa tuwing tatanungin namin ang aktres tungkol dito ay nakikiusap na huwag na naming isulat.
Pero hindi rin mapigilan lahat ni Angel dahil mismong mga taong natulungan na niya ang nagpo-post sa social media para malaman ng lahat kung gaano kabuti ang puso ng dalaga. Kabilang sa mga posts ay ang larawan ni Angel na naghahatid ng tulong sa mga lugar na walang kuryente, at sa mga estudyanteng nangangailangan ng suporta sa kanilang pag-aaral.
Iba pa ‘yung mga personal niyang tulong sa bawa’t tao na kakilala at hindi kakilala tulad na lang ng post ng fighting director ng La Luna Sangre na si Lester Pimentel Ong.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Lester: “Gusto ko lang share ang experience ko working with this person. There was one time, isa sa mga Stuntmen namin got heavily injured, naputol ang pinakamalaking buto n’ya sa hita sa isang aksidente na hindi work related.
“Ang pobreng Stuntman, na-ospital sa Orthopedic Center ng mahigit isang buwan, ubos ang ipon at malaking chance hindi na siya makakalakad muli dahil hindi na niya afford ang mga susunod pang operation na kailangan gawin.
“One late night ng konti na lang tao sa public hospital kung saan nak-aconfine si injured stuntman, dumating siya kasama lang ang driver niya kinumusta si stuntman, consoled his wife and mom, then asked the person in charge of the hospital how much was the accumulated bill at magkano pa ang kakailanganin para makalakad pa ulit si stuntman. Agad n’yang binayaran ang bill, nag-iwan ng pabaon at encouraging words sa pamilya, then she left.
“Siya si Angel Locsin, she is the real life Darna hero s’ya kahit sa likod ng camera, kahit walang nakatingin at walang nakakaalam.
“I just need to share my story of her.”
Hindi lang sa ABS-CBN ginawa ng aktres ito, maging noong nasa GMA 7 pa siya ay may mga ganito na rin siyang nagawang pagtulong.
Hindi rin naman kaila sa lahat na ultimo sariling gamit niya ay ibinenta na niya para may magamit sa pangtulong.
At for the record, walang planong pumasok sa pulitika si Angel kaya sa mga nagsasabing “pasikat kaya nag-iingay” ay hindi iyan totoo. Ang agenda niya ay gusto lang niya, makatulong hangga’t kaya niya.
Partida, ordinaryong mamayan lang siya ha, wala siyang posisyon sa gobyerno at wala siyang pork barrel. E di lalo na siguro kung mayroon?
Noong Disyembre 2019, isa si Angel sa 30 na Asyanong kabilang sa Forbes Asia’s latest Heroes of Philanthropy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.