SA kabila ng mga aberyang naranasan ng mga delegadong atleta mula sa ibang bansa, matagumpay na itinuturing ng mga international sporting organizations at awards platforms ang pagho-host ng Pilipinas sa ika-30 Southeast Asian Games.
Sa katunayan, kinilala ng Sports Industry Awards Asia ang Philippine Sea Games Organizational Committee sa kakayahan nitong mag-organisa ng maayos at nakakabilib na palaro.
Ayon sa grupo, “ibang level ang effort na ibinigay ng Phisgoc kaya naging world class ang opening ceremonies at ang kabuuang 56 sports at 530 iba pang events.”
Ang SPIA Awards Asia ay isa sa mga prestisyoso at kinikilalang award-giving bodies sa Asya. May malalim itong background sa pagbibigay ng pagkilala sa sports industry sa rehiyon nang mahabang panahon. Kabilang sa ipinamimigay nitong distinct awards ang Asia’s Best Sportsman at Sportswoman.
Mismong si SPIA CEO Eric Gottschalk ang nagbigay ng parangal kina Phisgoc chair Alan Peter Cayetano at CEO Ramon Suzara kamakailan.
Ani Suzara, dahil sa award ay lalo pang mai-inspire ang kanilang mga tauhan para ganahang magtrabaho sa mga natitirang araw ng pagdaraos ng palaro.
Matatandaan na noong nakaraang mga araw ay sinaluduhan naman ni Olympic Council of Asia vice president
Wei Jizhong sina Pangulong Duterte at Cayetano sa paghingi ng paumanhin ng mga ito sa dinanas na aberya ng ilang dayuhang manlalaro bago ang pagsisimula ng palaro.
“This is only the first time that I’ve heard the President and Speaker apologize. I’ve never seen that,” ani Wei. “This is the first time and this means the high authority of the country is keen to provide the best condition (for the delegates).”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.