LABIMPITO katao ang naiulat na nasawi, 19 ang sugatan, at dalawa ang nawawala dahil sa mga insidentenng dulot ng bagyong “Tisoy,” ayon sa mga awtoridad Martes.
Pitong nasawi ang naiulat sa Oriental Mindoro at Marinduque, lima sa Camarines Sur at Sorsogon, apat sa Quezon at Batangas, at isa sa Ormoc City, Leyte, ayon sa mga ulat na nakalap sa pulisya at regional civil defense offices.
Sa Oriental Mindoro, nasawi sina Edelfonso Delos Santos, 59, at Jessie Santos, 37, matapos mabagsakan ng puno at kahoy na beam ng bahay sa mga bayan ng Baco at Pinamalayan, ayon sa pagkakasunod, batay sa ulat ng Office of Civil Defense MIMAROPA.
Sa parehong ulat, sinasabi na tatlo pa katao sa Pinamalayan ang inatake sa puso sa gitna ng pananalasa ng bagyo, habang isang Bernabe Lundag, 38, ang nabagsakan ng puno ng niyog sa Gasan, Marinduque, at isa pang lalaki ang namatay sa seizure na dulot ng lamig sa Boac.
Sa Camarines Sur, isang lalaki ang nasawi matapos makuryente sa bayan ng Libmanan habang dalawa ang nalunod sa Goa at Pili, ayon sa ulat ng Bicol regional police.
Isa pang tao ang nalunod sa Bulan, Sorsogon, habang isa pa ang namatay sa isa sa mga evacuation center sa Sorsogon City, ayon sa regional police.
Sa Calabarzon, apat katao ang naiulat na nasawi dahil sa mga insidenteng dulot ng bagyo.
Nalunod ang magsasakang si Porferio Luan, 57, habang tinatawid ang Pinamucan River ng Brgy. Pinamucan Ibaba, Batangas City, Martes ng tanghali, para sunduin ang kanyang baka sa kabilang ibayo, ayonsa ulat ng OCD Calabarzon.
Nasawi naman si Rafael Palma, 54, nang madaganan ng puno ng Buli na bumagsak sa kanyang bahay sa Brgy. Gatasan, Catanauan, Quezon, dakong alas-2 ng umaga Martes, ayon sa ulat.
Inulat naman ng pulisya ng Quezon na nasawi si Joevit Sta. Ana, 24, nang tamaan ng kidlat Martes ng hapon, habang nangingisda sa dalampasigan ng Brgy. Sibulan, Polillo.
Nasawi rin ang 63-anyos na si Salvacion Plancia, isang residente ng Brgy. Silangan Calutan, Agdangan, Lunes ng hapon dahil sa lamig na dulot ng bagyo, ayon sa pulisya.
Noon ding Lunes, nasawi si Joel Baledio, 38, nang mabagsakan ng puno ng Gemilina sa Ormoc City, ayon sa mga ulat ng OCD Eastern Visayas at pulisya.
Labing-siyam katao na ang naiulat na sugatan sa Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Camarines Norte, at Quezon, habang isinusulat ang istoryang ito.
Dalawa naman ang nawawala matapos maanod ng umapaw na ilog sa Maayon, Capiz, at malakas na current ng dagat sa baybayin ng Divilacan, Isabela.
Higit 6,000 bahay nasira; P823M pinsala sa agrikultura
Ayon kay Mark Timbal, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, hinihintay pa nila ang mga lokal na awtoridad na makapag-ulat ng mga pinsalang dulot ng bagyo.
“What we know so far is that the hardest hit areas are those that were in the direct path of the typhoon,” sabi ni Timbal sa Bandera.
Pero sa mga inisyal na ulat ng OCD regional offices sa Bicol at MIMAROPA, lumalabas na may 6,424 bahay ang napinsala at 338 pa ang nawasak sa Camarines Sur, Sorsogon, Oriental Mindoro, Romblon, at Palawan.
Nag-ulat din ang dalawang rehiyon ng inisyal na P823.85 milyon halaga ng pinsala sa agrikultura.
Kabilang sa naturang halaga ang 11,986 ektarya ng niyog, palay, mais, at high-value crops gaya ng gulay at prutas; mga fish pond at kagamitang pangisda; pati na mga alagaing hayop.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.