WE WIN AS ONE | Bandera

WE WIN AS ONE

Dennis Christian Hilanga - November 29, 2019 - 03:00 AM


SA kabila ng mga isyu ukol sa P55 millon halaga ng ‘kaldero’, sports facilities, hotel accommodation at pagkain ng mga atleta, wala nang makapipigil pa sa pag-arangkada ng ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games.

Makalipas ang 14 na taon, muling idaraos sa Pilipinas ang 11-nation sportsfest. Ito ang ikaapat na pagkakataon na dito sa bansa gagawin ang palaro na kinabibilangan din ng mga bansang Thailand, Malaysia, Vietnam, Singapore, Timor Leste, Cambodia, Indonesia, Brunei Darussalam, Laos at Myanmar.

Opisyal na magbubukas ang 30th SEA Games sa Sabado, Nobyembre 30, sa Philippine Arena at magtatapos sa Disyembre 11 sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Lalarga ang biennial meet sa tatlong main hubs: Metro Manila, Subic at New Clark City bagaman may mga sports events ding gagawin sa La Union, Laguna, Batangas at Tagaytay.

 

9,840 TOTAL ATHLETES

Tinatayang 9,840 atleta mula sa 11 bansa sa Timog Silangang Asya ang maglalaban-laban sa 530 events ng 56 sports. Lalahok para sa Pilipinas ang 1,115 atleta, 753 coaches at officials na siyang “biggest delegation” sa kumpetisyon.

Ngunit bago pa man ang formal opening ceremony sa Sabado ay may mga sports nang gumulong kabilang ang football, polo, beach volleyball, netball, floorball at water polo.

May temang “We Win As One,” ang 30th SEA Games ay pinaglaanan ng gobyerno ng P6 billion. Bukod pa rito ang ginastos sa pagpapagawa sa New Clark City na “world-class” ang dating at pagkukumpuni sa Philsports Arena, Rizal Memorial Sports Complex at Ninoy Aquino Stadium.

TORCH, FLAG BEARER

Sina amateur boxing champion Nesthy Petecio at pro boxing champion Manny Pacquiao ang magsisilbing torch bearer sa opening ceremony. Magiging flag bearer din si Petecio kasama sina boxer Eumir Marcial, weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal, pole vaulter Ernest John Obiena at judoka Kiyomi Watanabe sa grand parade.

 

GOLDEN PREDICTION

Buong-loob na sinabi ng 45 out of 56 national sports associations (NSAs) na kayang maibulsa ng Pilipinas ang 274 gold medals at maiuwi nito ang overall championship.

Walang masama sa prediksyong ito ngunit ang tanong: Kaya ba talaga itong abutin gayung 23 ginto lamang ang nakuha natin noong 2017 SEA Games?

Sinabi ni Philippine Sports Commission chairman at chef de mission William “Butch” Ramirez na hindi imposibleng makuha ng Nationals ang overall championship bagaman sinabi niyang mahihirapan ang bansa na maabot ang 200 gintong medalya.

Hindi magiging madali para sa Pinoy athletes na maisakatuparan ang misyong makuha ang overall championship at aminado naman ang lahat na kailangan nila ang suporta ng buong sambayanan.

Kinukunsiderang powerhouse ang Thailand, Malaysia, Indonesia, Vietnam at Singapore sa mga medal-rich events gaya ng swimming at athletics.
MIRACLE OF 2005

Taong 2005 nang nakamit ng Pilipinas ang una at tanging kampeonato sa SEA Games na tinaguriang “Miracle of 2005.” Ito rin ang huling hosting ng bansa kung saan 113 gintong medalya ang napanalunan nito.

Nang unang idaos ang palaro sa Maynila noong 1981, 55 gold medals ang nasungkit ng mga Pinoy habang 62 ginto naman noong 1991 hosting.

Ngunit sa huling anim na edisyon nito ay unti-unting bumagsak ang performance ng national athletes at kumolekta lamang ng kabuuang 196 gold medals sa loob ng isang dekada. Madalas na naglalaro lang sa 5th to 7th places ang kinahahantungan ng Pilipinas mula 2007 hanggang 2017.

Sa 2017 Kuala Lumpur Games, naitala ng Pilipinas ang worst record nito sa kasaysayan sa nakadidismayang 23 gold medal finish.

Kaya naman umaasa ang bansa sa homecourt advantage para maabot ang pangarap na muling maghari sa larangan ng sports sa southeast Asian region.

GOLD MINE

Tantya ng sports officials, sa combat sports magmimina ng ginto ang Pilipinas kung saan 12 ang manggagaling sa arnis habang ang judo, kickboxing, jiu-jitsu, sambo at wrestling ay mag-aambag ng lima hanggang pitong ginto bawat isa.

Nakatutok din ang atensyon sa mga atletang nagpakilala sa international scene gaya nina Diaz, Didal, Obiena, Petecio, Marcial, Watanabe, Maggie Ochoa at Carlos Yulo na inaasahang magwawagi sa kani-kanilang sports.

Nakikita ring malaki ang pag-asa na muling maidepensa ni long distance runner Mary Joy Tabal ang titulo sa women’s marathon gayundin sina John Chicano at Kim Mangrobang ng triathlon.

Malinaw rin ang posibilidad na kumabig ng ginto ang athletics, wushu, taekwondo, billiards, chess, bowling, dragon boat, archery, cycling, fencing, golf, karatedo, shooting, tennis, weightlifting, windsurfing at sepak takraw base sa track record ng mga ito sa mga international meets kamakailan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sa team sports, nariyan ang basketball, baseball, ice hockey, rugby at softball kung saan liyamado ang Pilipinas para sa korona.

Inaasahang makukubra ng Gilas Pilipinas na binubuo ng PBA players ang ika-13 sunod na kampeonato at 18th overall title sa 5×5 event gayundin ang panalo sa inaugural 3×3 event.

Sampung ginto pa ang kayang idagdag ng dance sports para sa demo sports habang lima ang tinatayang maibubulsa ng e-sports na unang beses ding lalaruin sa kasaysayan ng SEA Games.

Nahahati sa personal computer (Dota 2, Starcraft II, Hearthstone), console (Tekken 7) at mobile (Arena of Valor, Mobile Legends Bang Bang) categories ang e-sports.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending