Sylvia nangangamoy best actress na naman sa ‘Pamilya ko’
Patuloy ding namamayagpag ngayon sa ratings game ang Kapamilya series na Pamilya Ko nina Sylvia Sanchez, Joey Marquez at JM de Guzman.
Pasok sa Top 5 most watched program sa buong bansa ang Pamilya Ko at palagi ring trending ang mga eksena sa social media. Nitong nakaraang Miyerkules, nakakuha ang PK ng 21.9% rating kaya mula sa ikalimang pwesto, nag-number 4 na ito sa Top 10 ng Kantar Media.
Siyempre, umaani rin ng papuri ang cast ng serye lalo na si Ibyang na gumaganap bilang si Luz, lalo na sa episode kung saan nalaman na niya na nagkaroon ng relasyon ang asawang si Fernan (Joey) kay Loida (Irma Adlawan).
Sabi nga ng mga netizens, mukhang hahakot na naman ng awards ang mommy ni Arjo Atayde para sa Pamilya Ko dahil ibang-iba rin ang akting na ibinibigay niya sa
serye.
Sabi nga ng award-winning actress, yun talaga ang inaaral niya sa bawat proyektong tinatanggap niya – kailangang iba-iba ang atake ng kilos, pag-iyak at pagsasalita ng karakter na ginagampanan niya.
Maliban kina Joey, Sylvia at Irma hindi rin nagpapatalbog pagdating sa iyakan ang mga gumaganap na anak nila sa programa na sina JM de Guzman, Kiko Estrada, Jairus Aquino, Maris Racal, Mutya Orquia, Kira Balinger at Kid Yambao.
Sabi pa sa amin ni Ibyang, napakarami pang mangyayari sa kuwento ng Pamilya Ko, lalo na kapag nalaman na niya ang tungkol kay Lena (Rosanna Roces), na siyang tunay na ina ni Chico (JM).
Napapanood pa rin ang Pamilya Ko mula Lunes hanggang Biyernes, bago mag-TV Patrol sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.