NABAWASAN ang mga nabiktima ng krimen sa nakalipas na anim na buwan, ayon sa survey ng Social Weather Stations.
Sa survey noong Setyembre 27-30, naitala sa 5.6 porsyento o 1.4 milyong pamilya ang may miyembro na naging biktima ng krimen, mas mababa sa 7.0 porsyento (1.7 milyong pamilya) na naitala sa survey noong Hunyo.
Ito ang pinakamababa mula sa survey noong Hunyo 2018 (5.3 porsyento).
Sa mga naging biktima, 3.4 porsyento ang naging biktima ng street robbery, 2.6 porsyento ang nabiktima ng nakawan, 0.3 porsyento ang nanakaw o nanakawan ang sasakyan at 0.5 porsyento ang nakaranas ng pananakit.
Umabot naman sa 59 porsyento ang nagpahayag na natatakot sila na manakawan. Tumaas ito ng apat na porsyento kumpara sa June survey.
Samantala, tumaas sa 47 porsyento ang mga nagsabi na sila ay karaniwang natatakot na maglakad sa kanilang lugar kapag gabi dahil hindi ligtas. Sa survey noong Hunyo, ito ay 46 porsyento.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,800 respondents. Mayroon itong error of margin na plus/minus 2.3 porsyento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.