ARESTADO ang isang babae na nagnakaw umano kay Angelica Panganiban sa pamamagitan ng ilegal na paggamit ng kanyang credit card.
Nagpasalamat ang Kapamilya actress sa National Bureau of Investigation (NBI) na siyang nagsagawa ng operasyon para mahuli ang suspek.
Kinilala ang naarestong suspek na si Agatha Reyes sa bisa ng arrest warrant para sa kasong credit card fraud base na rin sa formal complaint na isinampa ni Angelica sa NBI.
Batay sa reklamo ni Angelica, ilang beses daw ginamit ng suspek ang kanyang credit card na umabot na sa P5,000.
Bukod dito, tinangka pa raw ni Reyes na gumastos ng P500,000 mula sa credit card ng aktres sa isang casino.
Ayon kay Ronald Aguto ng NBI, ginagamit ng suspek ang mismong card ni Angelica, na ipina-renew umano sa bangko, kaya posible raw na may sabwatang nangyari sa pagitan ng suspek at ng courier ng credit card.
“‘Yung card nakukuka sa couriers, heto ‘yung mga renewal ng cards tapos nagagawan nila ng paraan para ma-activate ito. It appears na magkakasabwat but it’s hard to say, kung ano ang relationship ng courier sa bangko,” pahayag ni Aguto sa isang panayam. Tuloy pa rin daw ang kanilang imbestigasyon.
Nag-tweet naman si Angelica para mag-thank you sa pagkakahuli sa suspek, “Maraming salamat NBI! Kapag akala mong, sadlak na ang sistema… May mga tao pa din na tapat ang serbisyo. Salamat po!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.