Kathryn-Alden movie napirata na, pero tumatabo pa rin sa takilya
TOTOONG-TOTOO! Talagang napirata na ang certified blockbuster movie ng tambalang KathDen, ang “Hello, Love, Goodbye.”
May mga illegal links ng pelikula ang kumalat sa social media kung saan pwedeng mapanood ang pelikula ng Star Cinema. At in fairness, malinaw ang kopya kaya marami talaga ang tumangkilik sa nasabing pirated copy ng movie.
Kaya naman dismayado at ikinalulungkot ito nina Kathryn Bernardo at Alden Richards, lalo na ng kanilang direktor na si Cathy Garcia Molina.
Abot-langit ang pasasalamat ng buong produksyon ng “Hello, Love, Goodbye” sa madlang pipol dahil malapit nang umabot sa P1 billion ang kita nito worldwide. Pero nakaka-disappoint din daw malaman na may mga tao pa ring gagawin ang lahat makapanglamang lang ng kapwa.
“Hindi na natin sila kayang pigilan. Nakakalungkot mang isipin pero sana nari-realize nila na sila rin eventually ang papatay sa industriya if they don’t stop it,” ang pahayag ni Direk Cathy sa isang panayam.
Dugtong pa niya, “But still, despite that, people go to the cinemas. And I thank them for valuing the Filipino movies that we have. Kung wala ang supporta nila, mamamatay tayo.”
Sinagot din ng direktor kung posible nga bang magkaroon agad-agad ng part 2 o sequel ang “Hello, Love, Goodbye”, “I don’t think so. Normally, tayo, pahinga muna para iba naman. Pero why not, sa tamang panahon. Yung ‘One More Chance’ nga at ‘A Very Special Love’ nagkaroon. And pwedeng ako pa rin ang magdirek o iba na.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.