BANDERA Editorial
NGAYON ang panahon para ipakita ni Sen. Panfilo Lacson na lalaki siya, na tunay siya, na matapang siya (tulad ng pagkakakilala sa kanya ng mga dating tauhan niya sa PAOCTF at sa National Police bilang director general nito).
Alisin natin ang politika, pero may punto Edu Manzano para hamunin si Lacson na umuwi na at harapin ang kanyang kasong double murder sa umano’y pagkidnap at pamamaslang kina Salvador “Bubby” Dacer at Emmanuel Corbito.
Kung ang dahilan ni Lacson sa pagsibat patungong Hong Kong (nasaan na siya ngayon? Alam ng lahat na ang Hong Kong lamang ang talunan para makarating sa anumang bahagi ng mundo nang di nalalaman ninuman) ay para makaiwas sa panggigipit (ginigipit daw siya sa pagsasama ng double murder sa kanya ng administrasyong Arroyo, ang gobyernong matagal at sunud-sunod niyang ginipit sa katatawag ng mga congressional inquiry sa Senado “in aid of legislation”), marami rin namang ginipit ang MISG, PAOCTF, PACC at PNP. Ang kanilang mga ginipit, kaso man o pananakot, ay di nagreklamo.
Bakit ganoon? Kung sino pa ang salat sa buhay at kaalaman ay hindi tumatalikod at tumatakbo sa kanilang problema. Kung sino pa ang may kapangyarihan at di mahirap, na si Lacson, ay, hayun, at nasa malayo.
Ang sabi ni Lacson ay wala siyang kinalaman sa pamamaslang kina Dacer at Corbito. Ngayon ang panahon para patunayan niya ito. Hindi ba siya naniniwala at nagtitiwala sa ating mga batas? Kabilang siya sa bumalangkas ng ilan sa ating mga batas. Mambabatas siya.
Hindi ba siya naniniwala sa hustisya? Pero, naniniwala siya sa hustisya nang siya’y iabsuwelto sa Kuratong Baleleng rubout.
Malinis at walang dungis ang salamin ni Lacson sa Senado. Mr. Clean pa nga ang tawag sa kanya. Ayaw niya ng pork barrel at walang alingasngas na idinawit siya. Walang bahid kahit inimbestigahan na hinggil sa Kuratong Baleleng.
Nakalulungkot naman kung pababayaan niyang mabahiran nang dahil lamang sa Dacer-Corbito murders.
Sige, Lacson. Lumantad ka na nga at patunayan mong tunay kang lalaki at walang kasalanan sa mga ibinibintang sa iyo.
BANDERA, 020310
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.